CLICK HERE FOR THOUSANDS OF FREE BLOGGER TEMPLATES »

Sunday, March 08, 2009

Ang Misteryo Ng Buhay At Pag-Ibig Ni PLONING


Isinalaysay ng pelikulang Ploning (Panoramanila Pictures Co., 2008) ang pagbabaybay ni Muo Sei (Boodge Fernandez) sa pulo ng Cuyo lulan ng isang bangka upang hanapin ang hindi mawari kung tao o bagay na kung tawagin lamang niya ay Ploning. Dahil ilegal ang sinasakyang bangka, mayroon lamang siyang isang buong araw upang hanapin ang Ploning sa pulo. Sa paghahanap, nito unti-unting lilinaw na ang tinutukoy niyang Ploning ay isang dalagang (Judy Ann Santos) kilala bilang matulungin at misteryosa. Si Ploning ay anak ng isang mayamang negosyanteng si Manong Susing (Tony Mabesa). Masugid rin nitong pinagsisilbihan ang nagluluksa sa kalungkutang si Intang (Gina Pareño) na siya ring ina ng kasintahang si Tomas na matagal nawalay nang magtungo ito pa-Maynila. Sa gitna ng pagiging mabuting anak, kaibigan, kasintahan, ay naging pangalawang ina rin si Ploning sa batang si Digo (Cedric Amit), anak ng paralitikong si Juaning (Eugene Domingo). Labis ang kalungkutan ni Digo nang malamang may planong sumunod si Ploning kay Tomas. Nakatagpo ng bagong karamay at kakampi si Digo sa katauhan ni Celeste (Mylene Dizon), isang nars na diumano’y may nakilalang Tomas sa siyudad at ito ay raw ay taga-Cuyo. Si Celeste rin ang magiging susi ng lahat ng misteryo at lihim na itinatago ni Ploning. Upang ganap na maitampok ang karanasang personal ni Ploning, malikhaing nagamit ng pelikula ang estratehiya ng pagbabalik-larawan.

Isang napakahusay na pelikula ang Ploning at bihirang mapanood ang ganitong obra kumpara sa mga uri ng pelikulang ipinapalabas sa kasalukuyan. Ipinakita ng Ploning hindi lamang ang magagandang tanawin sa Cuyo, Palawan kundi pati na rin ang mayaman nitong kultura at dialekto. Mayabong ang diskurso ng naratibong umiikot sa masalimuot na buhay ng mga naninirahan sa pulo na tila nilimot na ng panahon. Pinatingkad ang simpleng produksiyon ng masinop na sinematograpiya at komposisyon ng mga eksena gayundin ang malinis na editing. Akmang-akma ang daloy ng emosyon at timpla ng bawat eksena. Nangingibabaw ang pagganap ni Judy Ann Santos sa papel ni Ploning. Mahusay niyang naisadula ang madalamhating larawan ng dalagang patuloy na naghihintay at umaasang muling makakapiling ang kasintahang matagal nang nawalay sa kanya. Bukod dito, yumayamang lalo ang pagganap kung babasahin ang buhay ni Ploning sa pelikula kaalinsabay ng buhay ni Judy Ann. Ang karanasan ng artista, na lantad din naman sa marami ay nagbubukas ng intertekstuwal na kaban ng kahulugan na lalong nagpapaigting ng pag-unawa kay Ploning ay higit na sisigla ang sining ni Judy Ann Santos. Maging ang lebel ng simbolismo ay epektibo sa paglalahad ng kuwento. Ipinakita sa pelikula ang iba’t-ibang pananaw at konsepto ng pagmamahal. Naninidigan si Ploning na ang nagmamahal ay nagtitiwala at nasasaktan. Samantalang naiiba ang pananaw ni Celeste. Para sa dito, ang nagmamahal ay hindi dapat masaktan. Maaring magkaiba ang kanilang pananaw ngunit isang bagay ang malinaw, ang buhay ng tao ay umiinog sa pagmamahal upang magkaroon ito ng kahulugan. Sa pamamagitan ni Ploning, ipinadama ng pelikula ang tunay na pagmamahal ay wagas, lubos at walang hinihintay na kapalit. Binuhay at nabigyang pag-asa sa Ploning ang sanga-sangang relasyon ng mga taong naninirahan sa pulo.

Direksiyon: Dante Nico Garcia

Dulang Pampelikula: Dante Nico Garcia At Benjamin Lingan

Sinematograpiya: Charlie Peralta

Musika: Jessie Lasaten

Editing: Danny Anonuevo

Disenyong Pamproduksiyon: Raymund George Fernandez

Prodyuser: Panoramanila Pictures Co.

Monday, October 29, 2007

Isang Kuwento Ng Pag-Ibig



Kinukunsumo ng naipong hinanakit si Ian Montes (Aga Muhlach) sa kanyang ama (Dante Rivero), kaya’t pinagdesiyunan nitong magtayo ng sariling negosyo kaysa makisakay sa kabuhayan at yaman ng kanilang pamilya. Ang kinikimkim nitong sama ng loob ang pangunahing dahilang nagtulak ditong saktan ang kanyang mga mahal sa buhay. May dalawang babae sa buhay ni Ian. Si Joanna Villanueva (Maricel Soriano), isang gynecologist na hiwalay sa asawang si Peter (Mark Gil) na kanyang nakilala nang ito ay maaksidente sa Batangas at si Karyn Torres (Angelica Panganiban) isang flight attendant na kanyang nakadaupang-palad nang una siyang magpunta sa Macau. Ang isa ay kanyang asawa na pinangakuan niyang pakisamahan habang buhay at kerida naman ang isang labis niyang minamahal. Hanggang sa dumating ang sandaling kailangan niyang mamili at manatiling tapat sa kanyang sinumpaang pangakong kasabay ng pagpapatawad sa pagkakamali ng kanyang ama at pag-amin sa kanyang sariling mga pagkukulang.

Natatangi ang pagsasalamin ng A Love Story (Star Cinema/ABS-CBN Film Productions, Inc., 2007) sa naiibang kuwento ng tatsulok na pag-ibig. Malalim at may kalawakang naisalarawan ni Maryo J. delos Reyes ang milyu ng kanyang pelikula. Sinuri nito ang mga hinaing at kaprisyo ng mga taong umiibig at nakaugat sa mga imahen ng pangungulila at lumbay ng pagkakawalay at pakikipaghiwalay. Isinaalang-alang ng pelikula ang kahalagahang pamproduksiyon at nagkaroon ito ng iba't-ibang pagturing, paggunita, paggamit at saysay. Ipinagdiinan rin ang makinang na pagsasadulang plantsado, pulido, walang gusot, buong kinis at sadyang makintab na paglalahad ng karangyaan at magarbong pamumuhay mga tauhan. Ang makabagbag-kaluluwang paglalantad ni Maricel Soriano ng saloobin ay isang kapani-paniwalang pagganap at pagtatapat. Samantala, ang pagganap ni Aga Muhlach bilang Ian na nagpapahayag ng mithiin sa lahat ng di magkatugmang aspeto nito ay nagbibigay naiibang sigla sa tradisyon ng pagganap sa pelikula. Sa gayon, mahirap unawain ang tumatagaktak na luha ni Angelica Panganiban. Minsan, matalino at malawak ang pang-unawa ng asawa, minsan makitid at makasarili ang kanyang nasa. Hindi konsistent ang karakter ng flight attendant kung saan higit nitong pinagbubuhusan ng panahon ang kanyang hanapbuhay at mga kaibigan kaysa sa mga pangangailangan ng sariling asawa. Samakatuwid, may internal na tensiyon si Karyn ngunit hindi ito naitampok sa antas ng kontradiksiyon. Sa halip, hinayaang lumutang-lutang ang tensiyon sa dagat ng luhang hindi nagkaroon ng matalinong resolusyon.

Direksiyon: Maryo J. delos Reyes

Dulang Pampelikula: Vanessa R. Valdez

Sinematograpiya: Gary L. Gardoce

Musika: Jesse Lucas

Editing: Tara Illenberger

Disenyong Pamproduksiyon: Gerry Santos

Prodyuser: Star Cinema At ABS-CBN Film Productions, Inc.

Sunday, September 16, 2007

Teka... SILIP Tayo


Maligaya ang bagong kasal na sina Rico (Polo Ravales) at Tess (Diana Zubiri) kahit na naninirahan ang mga ito sa isang liblib na baryong wala man lamang ni isang kapitbahay. Manlalako ng sari-saring hinabing gamit si Rico at ilang araw siyang sakay ng kaniyang kariton sa panininda. Nabagabag si Tess sa mga mahihiwagang pangitain at mga tinig sa kaniyang paligid. Napanatag lamang ang kalooban nito nang makilala at maging kaibigan niya si Celia (Francine Prieto). Inimbita niyang manuluyan ito sa kanilang bahay habang hindi pa nakikita ang hinahanap na kamag-anak. Dito nagsimulang maligalig ang buhay ng mag-asawa.

Tinalakay sa Silip (Seiko Films, 2007) ang isang temang sikolohikal ngunit mapapansing ginami lamang itong kadahilanan sa paglantad ng mga eksenang pampalibog. Animo’y nanunukso sa simula, pasilip-silip habang naliligo o nagseseks at kadalasa'y nakababad lamang ang kamera sa ganitong mga tagpo. Nang lumaon ay hantaran na ang paghuhubad ang mga bida. Binibigyang katwiran na nagaganap lamang ang mga ito sa imahinasyon. Ipinakita sa pelikula na ang imahinasyon ay maaring maging mapanganib kung mawawalan ng kontrol o direksiyon. Maraming mga eksena ng karahasan at kalupitan ang pelikula. Hindi malinaw o sadynag nililito ang mga manonood kung paanong biglang nagbago ang karakter ng isang tauhan. Bagama’t isinali ang pari at simbahan sa pelikula ay mahina ang impluwensya nito at hindi man lang natugunan ang pangangailangan ng isang parokyano. Nakita sa pelikula na ang lubos na pag-iisa kung walang malikhaing gawain ay maaring magdulot di lamang ng kabagutan kundi maaring magtulak sa isang taong maabot ang kanyang sukdulan . Walang ibang pinagka-abalahan sina Tess at Celia kundi si Rico na kanilang pinag-aagawan. Samantalang ginagamit ni Rico ang dalawang babae sa kanyang pansariling kasiyahan. Hindi gaanong nagalugad ng Silip ang diskurso ng naratibo. Pinasilip lamang tayo sa mga kaganapan sa buhay ng nga tauhan ngunit hindi ito lubos na ipinauwa sa mga manonood.

Direksiyon: Joel C. Lamangan

Dulang Pampelikula: Raquel N. Villavicencio

Sinematograpiya: Romeo Vitug

Musika: Jobin Ballesteros

Editing: Jesus M. Navarro

Disenyong Pamproduksiyon: Edgar Martin Littaua

Prodyuser: Seiko Films

Monday, August 27, 2007

Nag-BLACKOUT Ka Na Ba?



Pinagpupursigihan ni Gil (Robin Padilla) na maging ulirang ama kay Niño (JM Reyes) sa gitna ng pakikipagtunggali nito sa pait ng pag-iwan ng kanyang asawa. Labis na pagkalulong nito sa alak na siyang nagiging sanhi ng makailang ulit niyang pagkawala ng ulirat. Natauhan na lamang ito nang isang gabi ay duguan ang kanyang kotse at may bangkay ng isang bata sa ilalim nito. Pipiliting ikubli ni Gil ang aksidenteng inaakala niyang siya ang may kagagawan. Samantala, nawawala rin ang anak ni Belen (Iza Calzado) na si Isabel (Ella Guevarra) isa sa mga naninirahan sa kanyang pinauupahang apartment. Habang unti-unting binabagabag ng konsensiya at naghihinagpis sa patuloy na pagtanggi ng asawang makipagbalikan, mapaghihiwalay ni Gil ang tunay na pangyayari mula sa tagni-tagning pananaw nito sa katotohanan at paglalaro ng kanyang imahinasyon.

Ang pagganap ni Robin Padilla bilang Gil ay nagpapahayag ng mithiin sa lahat ng di magkatugmang aspeto nito at nagbibigay ng naiibang sigla sa tradisyon ng pagganap sa pelikula. Mapangumbinsi rin ang malungkot na pagsasalarawan ni Iza Calzado sa papel ni Belen, hindi lamang ng pisikal na kalungkutan kundi pati na rin ng eksternal nitong pagsisikap bilang ina ng kanyang anak. Mahusay ang konsepto ng Blackout (Unitel Pictures, 2007) at kapuri-puri ang paggamit ng mga aspetong teknikal upang isalaysay ang kuwento nito. Ginalugad ng pelikula ang mga hangganang maaring tahakin ng isang alcoholic. Nagawa ng Blackout na lambungan ng misteryo ang daloy ng mga pangyayari upang sa huli'y maging higit na epektibo ang pagtukoy sa katotohanan. Mabisang nahuli ng malawak na saklaw ng mga tunog ang damdamin at lunan samantalang naitampok naman ng editing ang liksi at kapanabikan ng mga eksena. Habang nagiging kumplikado ang tunggalian, nahawakan ng pelikula ang pananabik ng manonood bunga ng malikhaing sinematograpiya at maingat na disenyong pamproduksiyon hanggang sa maipamalas sa wakas ng istorya na tao rin ang siyang biktima ng sariling kasiraan dala ng pagkalulong sa masamang bisyo.

Direksiyon: Ato Bautista

Dulang Pampelikula: Shugo Praico

Sinematograpiya: Lyle Nemensio-Sacris

Musika: Holland Buela

Editing: Richard Barnett

Disenyong Pamproduksiyon: Bloody Table

Prodyuser: Unitel Pictures

Sunday, May 06, 2007

KUBRADOR... Gusto Mo Bang Tumaya?


Tila hindi na makakaahon sa kahirapan ng buhay ang kubrador ng huweteng na si Amy (Gina Pareno). Katatapos pa lamang sa kolehiyo ng kanyang anak na lalaki nang ito'y bawian ng buhay, ang kanyang anak na babae naman ay nag-asawa ng isang walang-silbi kaya't sa kanya pa rin nakasandig upang makaraos sa pang araw-araw na pamumuhay. Habang tumatao sa kanilang tindahan ang kanyang asawang si Eli (Fons Deza), nangungubra naman ng mga taya sa huweteng si Amy. Kapag may tumama lamang sa mga tumaya sa kanya siya kumikita naaambunan ng grasya, nababalatuhan, kaya't animo'y sugal ang kanyang hanap buhay suwerte-suwerte lang. Bagama't nagkakaedad na, masipag at matiyaga pa rin si Amy sa kanyang gawain, marunong makipag-kapwa, madasalin, at mayroon pang panahong tumulong sa mga namamatayan. Dumating ang mabigat na suliranin kay Amy nang ang isa sa kanyang regular na mananaya sa huweteng ay ipinaabot lamang kay Eli ang kanyang taya. Nalimutang ibigay ni Eli kay Amy ang taya kaya't hindi ito napasama sa listahan. Tukso naman ng tadhana, tumama ito, kaya't gigil na gigil man ito sa katangahan ng asawa, obligado si Amy na bayaran ang napanalunang halaga ng tumaya.


Patuloy na umaani ng tagumpay ang Kubrador (MLR Films, 2006) sa mga nilahukan nitong mga International Film Festivals sa ibang bansa. Dalawang Best Picture Awards na ang napagwagihan nito, sa Belgium at Russia. Itinanghal bilang Best Actress si Gina Pareno sa New Delhi. Madaling unawain kung bakit ito pinapurihan, buong-buo ang pelikula, mula kuwento hanggang mensahe walang elementong hindi kinakailangan, makatotohanan ang pagganap, maliwanag at maayos ang daloy ng simple ngunit masustansyang kasaysayan, at tapat ito sa tunay na buhay. Kilala na ang direktor na si Jeffrey Jeturian sa paglikha ng makatotohanang mga pelikula tulad ng Pila Balde, Tuhog, Bridal Shower, Bikini Open at Minsan Pa, ngunit sa Kubrador, higit na lumutang ang kakayahan ng direktor na lumikha ng isang interesante pelikulang nagtampok sa isang kilalang artista na pinalibutan ng mga baguhan sa larangan ng pagganap.


Banayad ngunit tumitiim ang mensahe ng Kubrador na ang huweteng ay isang kasamaang nakaugat na hindi lamang sa lipunan higit sa isipan ng mga tumataya at nasasangkot dito. Sa pamamagitan ng paglalahad sa buhay ng isang kubrador, sinalamin ng pelikula angkatotohanan sa likod ng huwetengan, ang pag-aayos ng numerong patatamain sa bolahan, ang pangungurakot ng ilang nasa kapangyarihan upang kumita mula sa mga taya sa huweteng, ang pakikinabang ng ilang parokya sa grasyang abuloy ng nagpapahuweteng, ang tapat at baluktot na pag-asa ng mga tumataya at ng mga kubrador. Ang lakas ng pelikula upang labanan ang salot ng huweteng ay nasa paglalantad ng katotohanan, hindi nito isinisigaw ang Puksain ang huweteng! ngunit sa pagsasaad ng katotohanan ukol sa huweteng, binigyang halaga nito ang katalinuhan ng manunuod. Ang huweteng ay sintomas lamang ng malalim na sakit ng lipunan at ng damdamin ng buong sambayanang Pilipino sanhi ng nanunuot na kamangmangan at kahirapan.

Direksiyon: Jeffrey Jeturian

Dulang Pampelikula: Ralston Jover

Sinematograpiya: Roberto "Boy" Ynguez

Musika: Jerrold Tarog

Editing: Jay Halili

Disenyong Pamproduksiyon: Leo Abaya

Prodyuser: MLR Films