Maraming interbensiyon ang pelikulang The Flor Contemplacion Story (VIVA Films, 1995) sa pagsasalaysay ng kuwentong hango sa tunay na buhayng isang DH sa Singapore. Nagsangkot ito ng mga tauhang bagaman historikal, ang mga kilos at karanasan ay higit na nakapagpalalim ng pag-unawa sa pagkatao ni Flor. Nagpakita rin ang pelikula ng mga imahengnaglugar sa kasaysayan ni Flor sa mas masaganang palad ng panlipunang reyalidad, sa partikular ang karanasa ng iba pang manggagawang Pilipino sa loob at labas ng bansa. Ngunit ang pinakamalaki at at pinakamakabuluhang interbensiyonnito ay nasa pag-ako ng isang tiyak na posisyonsa kaso ng pagkamatay ni Flor Contemplacion. Wala itong kasalanan sa ibinibintang na pagpatay kay Delia Maga at sa batang alaga nito. Pinatitibayan nito ang kapangyarihan ng pelikula o ng anumang malikhaing produksiyon na bumuo ng isang bersiyon ng katotohanan na nagmula sa isang posisyong ideyolohikal. Upang ganap na maitampok ang kasalimuotan ng mga karanasang personal at panlipunan, malikhaing nagamit ng pelikula ang sinematikong estratehiya ng pagbabalik larawan, gayundin ang presentasyon ng mga imaheng dokyumentaryo. Naging masinop at dramatiko ang sinematograpiya sa pagtatanghal ng madilim, malungkot, nakakatakot, nakakapangilabot na imahe ng bilangguan, gayundin ng pagpapahirap, kawalang pag-asa, kawalang katarungan at kawalan ng pananalig sa tao. Ang malungkot na kasaysayang ito ng isang DH ay mahusay na naisabuhay ng pambihirang galing sa pagganap. Katangi-tangi ang ipinamalas ni Jaclyn Jose sa matimpi, matapang, puno ng pag-ibig, lihis sa pagkakahongpangsasakarakter kay Neneng, ang babaeng binalingan ng pagmamahal ng asawang si Efren. Nangingibabaw ang pagganap ni Nora Aunor sa papel ni Flor Contemplacion. Mahusay niyang naisadula ang madalamhating larawan ng babaeng pinagtaksilan ng kabiyak at tinalikuran ng kanyang bayan. Maalam at matatag ang pagsasaad ni Nora sa pagkakaunawa at metodo sa layuning dramatiko ng pelikula. Bukod dito lalong yumayaman ang pagganap kung babasahin ang buhay ni Flor sa pelikula kaalinsabay ng buhay ni Nora bilang artista. Ang karanasan ng artista, na lantad din sa marami ay nagbukas ng intertekstuwal na kaban ng kahuluganna lalong nagpapaigting ng pagdamay kay Flor. Sa pagtatapos ng pagsasalaysay ng trahedyang ito, makakamtan lamang ng manonood ang kaliwanagan sa pamamagitan ng paninilay-nilay sa pagkakaugnay ng buhay ng sambayanan sa buhay ni Flor at sa kabalintunaang sa kamatayan ni Flor ay ito ang muling bubuhay sa sining ni Nora Aunor. Masisipat natin ang ang tanspormasyon ni Flor bilang sagisag ng pagiging martir at Bayani, at ang pananatili ng kanyang alaala sa masalimuot na mapa ng isang pandaigdigang kondisyon na pinaiiral ng isang masigasig na uri ng kapitalismo. Bagamat halaw sa aktuwal na mga pangyayari, makikita sa manipulasyon ng biswal at plastik na elemento ang tahasang paghamon sa bersiyon ng legal na sistema ng Singapore at ang pagsulong pang besriyong naglalayong pukawin, hinddi lamang ang emosyon ng bayan kundi pati na rin ang kanilang mga aspirasyon tungo sa pagbabago ng sistemang bumibiktima sa mga katulad ni Flor Contemplacion. Direksiyon: Joel C. Lamangan Dulang Pampelikula: Ricardo Lee at Boni Ilagan Sinematograpiya: Romeo Vitug Musika: Vehnee Saturno Editing: Edgardo Vinarao at Joyce Bernal Disenyong Pamproduksiyon: Manny Morfe Prodyuser: VIVA Films
Wednesday, June 28, 2006
Si FLOR CONTEMPLACION At Ang Pakikipagsalaran Ng Isang DH
Posted by
Jojo Devera
at
7:16 AM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)

0 comments:
Post a Comment