Ang Nassan Ka Man (Star Cinema, 2005) ay kuwento ng isang masayang pamilya. Ang magkapatid na dalagang sina Lydia (Gloria Diaz) at Trining (Hilda Koronel) kasama ang kanilang tatlong ampon na sina Ito (Diether Ocampo), Pilar (Claudine Baretto) at Joven (Jericho Rosales). Nagsimulang mawasak ang samahang ito nang ipaalam ang planong pagpapakasal nina Pilar at Joven. Bagama't sa una ay tutol, pumayag na rin ang ina-inahan nilang si Lydia subalit si Ito ay may natatagong pagtingin kay Pilar at naghimagsik. Pinagsamantalahan nito si Pilar at itinulak sa bangin si Joven. Dahil sa takot, at pag-aakalang patay na si Joven at sa pagtatanggol ng sarili, itinulak ni Pilar sa bangin si Ito. Walang nagsumbong sa may kapangyarihan ukol sa mga naganap na trahedya. Maayos kapwa ang teknikal at artistikong aspeto ng pelikula. Nangingibabaw ang malikhaing sinematograpiya at disenyong pamproduksiyon. Maganda ang tema ng pelikula at maayos itong naisalaysay. Mahusay rin ang pagkakaganap nina Hilda Koronel, Gloria Diaz at Claudine Baretto, bagama't sa limang artista, si Diaz lamang ang tila nahihirapang umiyak sa harap ng kamera. Dibdiban naman ang pag-arteng ipinamalas nina Jericho Rosales at Diether Ocampo. Makatawag pansin din ang pagkakalapat ng musika. Apat na usapin ang maaaring ipasok dito. Una, ang isang mali ay hindi dapat itago at isiping maglalaho na lamang ang epekto nito sa pagtakbo ng panahon. Sa pag-ikot ng kuwento, ang mga kamalian ay hindi lamang itinago sa may kapangyarihan kundi hindi rin sinikap na ituwid at ihingi ng kapatawaran. Ang tamang pananaw ay umiikot sa kakayahan ng isang taong magpakumbaba sa pagsisisi o kaya'y magpatawad sa pagnanais na lumagay sa tuwid at tama. Ikalawa, ang pag-ampon at pagpapalaki ng isang batang hindi mo kadugo ay dapat nakaugat sa tunay pagbibigay at pagmamahal, hindi upang punuan ang kakulangan sa pagkatao ng nag-aampon. Ikatlo, ang mga hinanakit ay hindi dapat kinikimkim sa kalooban ng isang tao, pagka't matutuklasan din ito sa paraang higit na makasasakit sa sarili at kapwa. Ikaapat, ang kapanatagan ng loob ay makakamtam sa pagtanggap sa kagustuhan ng may lalang at pagsuko ng hiram na buhay dito. Direksiyon: Cholo Laurel Dulang Pampelikula: Ricardo Lee at Rafael Hidalgo Sinematograpiya: Charlie Peralta Musika: Jessie Lasaten Editing: Marya Ignacio Disenyong Pamproduksiyon: Jon Cuyson Prodyuser: Star Cinema
Wednesday, July 05, 2006
Kung NASAAN KA MAN...
Posted by
Jojo Devera
at
6:47 AM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)

0 comments:
Post a Comment