Dating mga durugistang mahigpit ang pangangailan sa pera ni Boy (Paolo Contis), kasintahan ng bayarang-babaeng si Sofia (Tanya Garcia ). Kasama ng kaibigan niyang si Sonny ( Rico Blanco) Hila ang isang kalabaw, nagtungo ang dalawa sa bahay ng mayaman at dating kabarkadang, si Francis (Epy Quizon) upang isangla ang hayop at makahiram ng apatnapung libong pisong gagastusin sa pagtatanan ng magkasintahan. Gusto nang layasan ni Sofia, isang puta ang hanapbuhay nito kay Mama Bel (Rio Locsin) subalit binantaang papatayin kapag tumakas siya. Ang maitutulong lamang ni Francis kay Boy ay pasahan ito ng limampung tableta ng Ecstacy, isang bawal na gamot na kanilang ibebenta at maaring mapag-tubuan ng isang libong piso bawat piraso. Sa kasamaang palad, biglang inatake at namatay si Francis habang pinag-uusapan ang kanilang negosyo. Dahil sa labis na kasakiman, itinago nila ang bangkay ni Francis habang hinahalughog ang buong kabahayan sa pag-asang matatagpuan nila ang hinahanap na mga tableta.Samantala, unti-unti nang nagdadatingan ang kapamilya't kasintahan ni Francis, pati na ang drug lord na si Rocky (Christopher de Leon) na pawang walang kamalay-malay sa mga pangyayari. Hinaluan ng animasyon ang pelikula upang panindigan ang pagiging komedya nito at upang makatulong sa daloy ng kuwento. Nang inatake si Francis, ginamit ang animasyon upang ipakita kung ano ang nangyayari sa loob ng katawan nito, tumibok ng matindi ang isang lamang-loob hanggang sa ito ay sumabog. Malinaw na naisalarawan ang nangyayari sa loob ng katawan ng isang taong banagag o nasa ilalaim ng kapangyarihan ng ipinagbabawal na gamot. Mabilis ang takbo ng istorya at nakasasabik bagama't nakakainis gawa ng katangahan ng mga pangunahing tauhan sa pilit na pagtatago ng bangkay. Subalit kung hindi naman sila sakim at tanga, wala namang istoryang susundan ang mga manonood, sa loob ng beinte minutos tapos na ang sine. Mahusay ang pagganap ni Christopher de Leon bilang Rocky, ang drug pusher, bagay na kahanga-hanga sapagkat ipinapakita ang propesyonalismo ng artista at iginagalang ang gawain nito kahit ang pelikula'y lubhang mababa para sa kanyang kakayahan..
ngunit hindi katawa-tawa ang tema nito. Dalawang uri lamang ang mga pangunahing tauhan, mga adik at puta. Iisa lamang ang problema ng lahat, pera. Hindi ko lubusang matanto ang punto ng pelikula. Bakit ginagawang katatawanan ang isang kagaguhan? Ang pagtatago ng bangkay nang hindi inaalintana ang mga kapahamakang ibubunga nito upang matamo ang pinagnanasaang gamot na magbibigay sa kanila ng pera. Lubhang napakasuwerte nitong mga nagtatago buong araw at magdamag na hindi nahuli. Ginusto marahil ipakita ng pelikula na ipakita ang kababawan ng atensiyon ng mga sugapa, kung hindi sa groga, pera o sa inaakalang pag-ibig. Ang hinahanap nilang bawal na gamot ay wala sa loob ng bahay. Nasa bulsa ito ng pantalong nakasampay malapit sa kalabaw. Nalaglag ang gamot at kinain ng kalabaw. Nabangag ang kalabaw. Wakas.
Dulang Pampelikula at Direksiyon: Gabriel Fernandez
Istorya: Peque Gallaga at Gabriel Fernandez
Sinematograpiya: Miguel V. Fabie III
Musika: Minco Fabregas
Editing: Michael G. de Castro
Disenyong Pamproduksiyon: Roy Lachica
Prodyuser: Unico Entertainment

0 comments:
Post a Comment