CLICK HERE FOR THOUSANDS OF FREE BLOGGER TEMPLATES »

Monday, August 07, 2006

Hindi Po Manong... MANAY PO!


Ang pelikulang Manay Po! (Regal Entertainment, 2006) ay tungkol kay Luz (Cherry Pie Picache) ay isang single-mom na alahera at kung paano nito nalampasan ang mga dagok ng kanyang buhay. Una, ang pagkatuklas na ang kanyang tatlong anak na lalaki ay may kani-kanilang lebel ng homoseksuwalidad. Si Oscar (Polo Ravales) ay isang closet queen, si Orsen (John Pratts) ay hantaran at nagbibihis babae, samantalang si Orwell (Jiro Manio) ay isang umuusbong na binatilyong homoseksuwal. Ikalawa, ang pagkawala ng hikaw na kanyang ibinebenta na nagkakahalaga ng dalawang milyong piso. Lingid sa kaalaman ni Luz, may kani-kaniyang suliranin din ang kanyang mga anak. Si Oscar ay nahahati ang kalooban kung pakakasalan nito ang kasintahang si Pauline (Glaiza de Castro) o kanyang nobyong si Adrian (Luis Alandy). Si Orsel ay nagpupumilit na mapansin ni Marky (Mike Tan) ang kanyang kinahuhumalingang lalaki at si Orwell naman ay unti-unting namumulat sa kanyang pagkabinabae.

Napakababaw ng takbo ng kuwento ng pelikula at halos puro kalokohan at hindi kapani-paniwala ang mga eksena. Ang mga dayalogo ay walang laman at may ka-kornihan. Pilit ang pagpapatawa dahil umasa lamang ito sa islapstik na uri ng komedya. Walang bagong pag-unawa sa homesekswalidad na naihatid ang pelikula. Bagkus ay sumakay lamang ito sa katatawanan at kontrobersiya ng pagiging homoseksuwal. Maging ang pagganap ay walang ipinakitang bago. Sayang ang talento ni Cherry Pie Picache at Giselle Sanchez dahil sa manipis na karakter ang ibinigay sa kanila. Mali ang pagpili kay John Pratts sa papel ni Orsel na dahil lubhang napakatigas nitong kumilos at hindi rin angkop ang kanyang pisikal na kaanyuan. Maayos sana ang aspetong teknikal ng pelikula tulad ng sinematograpiya, editing at disenyong pamproduksiyon ngunit hindi ito sapat upang maisalba ang walang kwentang pagkakasulat ng dulang pampelikula

May isang mababaw na mensaheng pilit na ipinahahatid sa pelikula. Ang pagkakabuklod ng pamilya sa gitna ng mga pagkakaiba, kakulangan at suliranin. Marangal sana ang intensyong ipakita na ang mga homoseksuwal ay tao rin sa kaibuturan ng kanilang puso ngunit natatakpan ito mababaw na pagtrato sa mga tauhan, lalo sa usaping relasyong homoseksuwal. Para sa mga manlilikha ng pelikula, tila isinasalarawan lamang nila ang ilang reyalidad ng mundo ng isang bakla. Dagdag pa rito, ikinakaila rin ng pelikula ang komplikasyon at sikolohikal na sakit ang naidudulot ng homoseksuwalidad at ang mga relasyon kaakibat nito. May paraang higit na malalim nsa pag-unawa ng homoseksuwalidad subalit dahil komedya ang pelikula, piniling maipit na lamang sa walang katuturang pagpapatawa at pasundot-sundot na drama upang mapagbigkis ang mga eksena. Sayang lamang ang panahong gugugulin sa panonood ng pelikulang ito.

Direksiyon: Joel C. Lamangan

Dulang Pampelikula: Dinno Erece

Sinematograpiya: Rolly Manuel

Musika: Vincent de Jesus

Editing: Marya Ignacio

Disenyong Pamproduksiyon: Edgar Martin Littaua

Prodyuser: Regal Entertainment

0 comments: