CLICK HERE FOR THOUSANDS OF FREE BLOGGER TEMPLATES »

Sunday, August 27, 2006

Samu't-Saring Kuwento Ng Pag-Ibig


Tatlong mukha ng pag-ibig ang inilahad ng pelikulang All About Love (STAR Cinema/ABS-CBN Film Productions, 2006), ang Promdi, Kalesa at Tungkol Kay Anna. Malungkot, masaya at makabagbag-damdamin. Sa unang eksena ay makikita ang biglang pag-uwi ni Kikay (Angelica Panganiban) sa probinsiya at hindi na nagpatuloy ng pagaaral sa Maynila. Napawi ang malungkot niyang karanasan sa Maynila nang makita niyang muli ang kaniyang kababatang si Kiko (Jason Abalos) na matagal nang may pagtingin sa kanya. Dahil sa mahusay na manlililok si Kiko ay ipinakilala siya ni Kikay sa mga koneksiyon nito sa Maynila upang maitanghal ang kaniyang mga gawa. Sa kasamaang-palad ay nakita si Kikay ang taong nagpahamak sa kaniya sa Maynila at ipinasiya niyang mangibang bansa nang maiwasan ang malaking kahihiyan.. Sa kabilang dako ay makikita kung paanong itinataguyod ni Badong (Anne Curtis) ang kaniyang pamilya sa pangungutsero at sumasakay sa kalesa nito si Wesley (Luis Manzano), isang palikerong modelo, at ang mga date nito. Napansin ni Wesley ang ganda ni Badong at humanga siya sa tapang ng babae kaya nga't kahit na mailap sa kanya ay masugid niya itong niligawan. Minsan ay sumakay si Eric (John Lloyd Cruz) sa kalesa ni Badong at naiwan nito ang isang cassette tape na may mensahe para sa yumaong katipan na si Anna. Napulot ito ni Casey (Bea Alonzo) na nagbigay sa kanya ng pag-asang meron pa rin namang matapat sa pagibig, di tulad ng dati niyang kasintahang salawahan at hindi rin tulad ng kanyang iresponsableng amang tinalikdan ang sariling pamilya. Hindi niya sukat akalaing si Eric na kinaiinisan nitong kapitbahay sa condominium ang siyang may-ari ng naturang cassette tape. Magkikita pa kayang muli si Kiko at si Kikay? Magkakatuluyan kaya sina Wesley at Badong, magkaiba man ang kanilang daigdig? Paano kaya magkakasundo si Eric at Casey?

Mahusay ang pagsasalarawan na malimit ay mga close ups at medium shots ng mga popular na love teams na nagpapakilig sa kani-kanilang mga tagasubaybay. Maging ang mga piniling awitin ay nababagay sa kaukulang mga eksena. may kaunting kababawan ang ilang mga bahagi na hindi makatotohanan sa pagbabalangkas ng mga kuwento ng Promdi at Kalesa Hindi kapani-paniwalang kutsero si Anne Curtis na halatang mestisa at di nababagay sa papel na ito. Mapapansin din sa istorya ukol kay Anna na napakadalas naman ang pagkakatiyap ng pagkakataon mula sa pagkaiwan, pagkapulot, pagkatuklas ng nagmamay-ari ng cassette tape, at muling pagkikita nina Eric at Casey.

May mga eksena sa pelikula na hindi dapat tularan tulad halimbawa ng paglalarawan sa pagkatao ni Kikay na ilang beses nang nagwawala, napapahamak na ay parang hindi pa rin tumitino. Animo'y pinaglalaruan niya ang kaibigang si Kiko na lubos ang pagtitiwala sa kanya, Ginawang katatawanan ang pagiging tomboy ng kutserong si Badong na noong una ay walang atubiling nakikipag-away, nanununtok, at naninira ng kotse kapag hindi nababayaran. Kung paano nagsisikap si Badong sa paghahanap-buhay ay siya namang pagiging materyoso ng mga mahihirap niyang kapitbahay. Hindi rin naaayon sa kagandahang asal at kultura ng Pilipino ilang mga eksena, tulad ng lantarang pakikipaghalikan ng magkatipan na parang walang pakialam kahit pagtinginan sila ng mga tao. May mapupulot din namang magagandang mensahe at pananaw sa pelikula tulad ng pagiging maingat sa sarili upang hindi mapahamak sa masamang barkada at malulong sa masamang bisyo na ikinasisira ng kinabukasan at mga pangarap sa buhay. Kung magkamali man, dapat ay harapin nang matatag ang problema sa buhay at kung masaktan dahil sa pagkawala ng minamahal ay manalig sa katapatan at kapangyarihan ng pag-ibig na siyang nagbibigay-kulay at ligaya sa buhay.

Direksiyon: Jerry Lopez-Sineneng, Bb. Joyce Bernal at Don Cuaresma

Dulang Pampelikula: Jenilee Chuansu, John Paul Abellera, Vanessa Valdez, Carmi Raymundo at Arah Jell Badayos

Sinematograpiya: Charlie Peralta, Ramoncito Redoble at Christopher Manjares

Musika: Jesse Lasaten

Editing: Renewin Alano

Disenyong Pamproduksiyon: Nancy Arcega at Dante Nico Garcia

Prodyuser: Star Cinema (ABS-CBN Film Productions)

0 comments: