Isang kakaiba at eksperimental na pagtatanghal ang Rigodon (First Quarter Storm, 2006), unang pelikula nina Sari Lluch Dalena at Keith Sicat. Halintulad ng sayaw kung saan hinalaw ang pamagat nito, umiinog ang kasaysayan sa tatlong Pilipinong naninirahan sa New York matapos ang malagim na mga pangyayari noong ika-labing isa ng Setyembre taong 2001. Si Dante (Joel Torre), isang gitnang gulang na manunula ay siyang nagbibigay ng pag-asa sa mga kababayang nagnanais makibahagi sa magandang buhay na maaring makamtan lamang sa pamamagitan ng paninirahan sa Amerika. Nariyan din si Amado (Arthur Acuna), dating boksingero sa Pilipinas na tulad ng karamihan ay sa pakikipagsapalaran lamang sa ibang bansa matatagpuan ang katuparan ng kanilang mga pangarap. Si Salome (Chin Chin Gutierrez), na mahigit sa sampung taon nang naninirahan sa Amerika at nakikisama sa asawa nitong Amerikano na ang tanging dalangin ay ang magkaraoon ng isang banyagang supling. Sa patuloy nilang paghahanap ng tunay na kahulugan ng buhay at kaligayahan ay pinagbigkis ng dulang pampelikula ang mga pagnanasa ng bawat isa. Sa pagdarahop ni Dante nang tuluyang madakip ng mga maykapangyarihan, buong tapang nitong hinarap ang kinahinatnan. Samantala, nangangarap pa rin si Salome habang patuloy ang paghahanap ni Amado ng kasagutan sa kanyang mga suliranin. Pinag tagni-tagni ng pelikula ang magkakaibang kuwento ng mga mga Pilipinong patuloy sa paghihintay ng pag-asa bagamat tuwirang madarama ang kawalan nito.
Isinapelikula ng Rigodon ang kompleksidad ng mga Pilipinong naninirahan sa Amerika sa pamamagitan ng matipid na espasyo/kumpas ng mga tagpo at bihasang direktoryal na pagmamaniobrang nagpapatuloy sa tensiyon ng nagbabanggaang ideoyolohiya ng katauhang Pilipino. Mas dramatiko ring isinakonkreto ito ng mahusay na pagganap ni Joel Torre. Matingkad ang kanyang ipinamalas na pagganap. Pinapanood natin siya habang dumaraan sa proseso ng lumbay, pagkabigo at pagtanggap. Hinatak niya tayong damhin ang kanyang dilema habang magiting na binubuo ang nadurog na mga piraso ng kanyang sarili upang maprotektahan ang nalalabi sa pinagdusahan niyang teritoryo. Sa prosesong ito napilitan siyang lumikha ng ng bagong paraan ng pagharap, hindi lamang sa kanyang sariling pagdurusa kundi kasama na rin ang suliranin ng mga taong kanyang pinoprotektahan, may basag at lamat man ang pagkatao ngunit nanatiling matatag ito at di nawawasak. Ang paggamit ng tradisyunal na sayaw sa pagtuhog ng mga usaping bumabalot sa inaakala at itinataguyod na katayuan ng mga pangunahing tauhan, tinumbok ng pelikula ang diskursong nakikipag-rigodon sa ideyolohikal na pagbibigay-signipikasyon sa pakikibaka ng mga tauhan. Sa dislokasyon isinakatuparan nina Dalena at Sicat ang pagpapatingkad ng Rigodon sa posisyong politikal nito laban sa mekanismong inestruktura sa loob ng malakas na puwersa ng kapangyarihan. Reyalistikong ipinamalas ng pelikula ang rendisyon ng panahon at lunan at naigpawan sa tiyak nitong posisyong politikal na pinapanigan. Sa katunayan, ang kolektibong pagbuwag ng mga pangunahing tauhan ay tumatayong suhestiyon ng pelikula sa mga posibilidad ng pagtutuwid. Nararapat banggitin ang kontribusyon ng Rigodon sa paggamit sa elemento ng editing. Sa pagbusisi ng pelikula sa tunggalian ng hayag at di hayag, ng mga politikal at di politikal o apolitikal, ng mga makapangyarihan at walang kapangyarihan, ng mga nanggagamit at ginagamit at kung paanong nagsalimbayan ang mga dikotomiyang ito. Sa katunayan, ipinakita nina Dalena at Sicat sa pelikula ang nagkakapalitang anyo ng mga dikotomiyang ito, ang pagpapalit posisyon ng mga estruktura upang padaluyin ang kaayusang sadyang ikinubli sa pagkakaiba ng mga nilikhang dikotomiyang ito.
Dulang Pampelikula At Direksiyon: Sari Lluch Dalena At Keith Sicat
Sinematograpiya: Eun-ah Lee
Musika: Kinan Azma Grace Nono At Bob Aves
Editing: Keith Sicat
Disenyong Pamproduksiyon: Sari Lluch Dalena
Prodyuser: Fisrt Quarter Storm

Kasama ang isa sa dalawang direktor ng Rigodon na si Keith Sicat nang itanghal ang pelikula bilang bahagi ng New York Filipino Film Festival na ginanap sa ImaginAsian Cinema.
Ilang karagdagang impormasyon ukol sa Rigodon


0 comments:
Post a Comment