CLICK HERE FOR THOUSANDS OF FREE BLOGGER TEMPLATES »

Tuesday, November 07, 2006

ETERNITY Pag-Iibigang Hanggang Sa Wakas Ng Panahon

Dalawang kasaysayan ng pag-ibig na isang siglo ang pagitan ang pinagsalit-salit na hinabi sa pelikulang Eternity (Regal Entertainment, 2006). Unang hibla ang kuwento ng sawing-palad na magkasintahang sina Crisanto (Dingdong Dantes) at Milagros (Iza Calzado) na naganap noong namumuno ang mga Kastila sa Pilipinas. Ikalawang hibla ang kuwento nina Cholo (Mark Herras) at Meagan (Jennylyn Mercado) sa kasalukuyang panahon. Ipinagbawal ni Chayong (Hilda Koronel), ina ni Milagros na makipagkita ito kay Crisanto sapagkat ang ama nito ang nakapatay sa rebeldeng ama ni Milagros. Nabunton ang galit niya kina Crisanto at kay Narcisa (Jaclyn Jose) , ang ina ng binata na inakusahang erehe at mangkukulam. Inakusahan naman ni Narcisa si Chayong na kerida ng prayleng si Padre Miguel (Jaime Fabregas). Nang pinagtangkaan ng Kastilang si Kapitan de Joya (Bobby Andrews) na gahasain ang nakukursunadahan niyang si Milagros ay ipinagtanggol ito ni Crisanto ngunit binaril siya ng Kapitan. Nang makitang bangkay ang kaniyang anak ay isinumpa ng ina nito si Milagros na sa palagay niya ay ang dahilan ng maagang pagkamatay ni Crisanto. Isinumpa niyang muli't muling mabubuhay si Milagros at di matatahimik ang kaluluwa nito hangga't di napagbabayaran ng kanyang sariling buhay ang kaniyang kasalanan. Sa makabagong Panahon naman sina Cholo at Maegan na sa unang pagtatagpo pa lamang ay naakit na sa isa't isa na para bang matagal na silang nagkakilala. Nauulit sa buhay nila ang mga nangyari kay Crisanto at Milagros, tutol din sa pag-iibigan ng dalawa ang kanilang mga pamilya. Nabatid nila na dahil sa maling paratang ay napakulong ng ama ni Cholo ang ama ni Maegan na ikinamatay nito sa sama ng loob. Nilapitan si Cholo at Maegan ng isang medyum o espiritista, si Praxides (Bibeth Orteza), at ito ang nagbunyag na naglalagalag pa ang kaluluwa ni Milagros. Si Maegan lamang ang pag-asang makatatapos ng misyon, makatutupad ng pangako, at makakabali ng sumpa. Ano kaya ang mangyayari kay Maegan at kay Cholo? Masasalungat kaya nila ang sumpa? Paano matatahimik ang kaluluwa ni Milagros?

Sa mga tagpong kuha sa Vigan kung saan pinananatili pa rin ang kulturang Espanyol na makikikita sa mga arkitektura ng gusali, tahanan, kalsada, lenguwahe, mga kalesa, at kasuotan ay nagging makatotohanan ang pagsasalarawan ng panahon ng Kastila. Maging ang mga tagpong ginanap sa Intramuros ay nakatulong din sa kapani-paniwalang paglalarawan ng panahon ng pananakop ng mga Kastila sa ating bayan. Naaangkop sana ang mensahe ng awiting In Another Lifetime ni Gary Valenciano dangan lamang ay tila nakakagulat na Kastila at Pilipino ang ginagamit sa mga kuwento ay bakit naman biglang inawitan ng Ingles? Nakatulong sana sa paglilipat-lipat ng panahon ng dalawang kuwento kung may angkop na tugtugin dito. Mahina ang pag-balangkas ng mga kuwento at tila pilit pinagtutugma ang mga pangyayari. Madula at nakalulungkot ang mga yugtong nauukol kina Crisanto at Milagros samantalang mababaw at nakatatawa naman ang nakararaming eksena nina Cholo at Maegan na lubhang napakamura pa ng mga isipan upang magtangkang magtanan.

Punong-puno ng pagkamuhi, paghihiganti, at kalupitan ang kasaysayan nina Crisanto at Milagros. Walang nakitang pagpapatawad o pagkakasundo sa pagitan ng mga may alitan hanggang sa humantong ang lahat sa isang trahedya. Hindi rin angkop ang paglalarawan ng prayleng si Padre Miguel kung saan ipinahiwatig na may kerida ito at sa halip na tumulong sa pagkakasundo ng mga nag-aalitan ay higit pa nitong pinapalala ang situwasyon. Ang kuwento ay nakabase sa mga temang paranormal at kababalaghang kagaya ng reincarnation (muling pagsilang ng isang kaluluwa sa katawan ng ibang nilalang) o transmigration of souls (paglipat-lipat ng kaluluwa sa ibang katawan), bagay na maaaring maka-ligaw ng isipan at kuru-kuro ng mga manonood.

Direksiyon: Mark Reyes

Dulang Pampelikula: Gina Marissa Tagasa

Sinematograpiya: Jay Linao

Musika: Allan Feliciano At Arnold Buena

Editing: Aleks Castaneda

Disenyong Pamproduksiyon: Chito Sumera

Prodyuser: Regal Entertainment

0 comments: