CLICK HERE FOR THOUSANDS OF FREE BLOGGER TEMPLATES »

Friday, June 30, 2006

Makilahok Sa BIKINI OPEN



Si Susan Ferrer Logarta (Cherry Pie Pichache) ay siyang anchor ng Isyu Ngayon isang programang pantelebisyong tipong TV Patrol ng Manila Broadcasting Network (MBN). Ayon sa huling survey, bumaba ang rating ng programa at nakalalamang ng ang kabilang istasyon kung kaya't sinisibak na si Susan sa palatuntunan. Dahil nagunguna noong mga nakaraang surveys, humihingi si Susan ng pagkakataong ibangon ang reputasyon ng istasyon, huwag lamang siyang masibak. Ang payo ng prodyuser ay dagdagan ng dumi ang kanyang programa. Isang araw, habang ito at ang kanyang crew ay nagpapatrolya, nakasaksi sila ng aksidente sa EDSA dulot ng katatanghod ng baklang nagmamaneho sa isang Bikini Openbillboard na naglalarawan ng isang lalaking halos ay hubad. Naisipang itampok ni Susan ang Search For The Bikini Open King And Queen 2005, na kinagigiliwan ng maraming manonood. Gagawa ito ng isang expose tungkol sa popular na paligsahang tinawag na Bikini Open at walang awa niyang ibubulgar ang anumang kanyang nakakalkal sa daigdig ng mga sumali doon na sila Lara Lopez (Francine Prieto) Gail Sta. Ana (Diana Zubiri) Sonny Gemora (Rafael Roselle), Billy Henson (Alfred Vargas) at iba pa.

Isang satire ang kuwento ng Bikini Open (Seiko Films, 2005), isang malamang pananalitang nababalot sa komedya. Nagbukas ito sa isang aksidenteng ibinabalita ni Susan, ang TV Anchor at nagwakas din ito sa isa pang aksidenteng mababalita rin sa telebisyon. Talamak ito sa bulgar na pananalita hindi pinapino ng direktor na si Jeffrey Jeturian ang katotohan, kung kaya't maaaring ikagulat o ikabigla ng mga manonood na hindi sanay makisalamuha sa mga taong matatagpuan ninyo sa kuwento. Nguni't ang mga sanay nang makihalubilo sa mga bakla at bakya ay sasang-ayon na ganito nga ang pagkilos, pag-iisip at pananalita sa mundo ng mga taong nilalarawan dito. Mabilis ang takbo ng istorya, akma ang mga nagsiganap sa kani-kanilang mga papel, at nasa lugar din ang paghahantad ng mga katawang nangyayari dito.

Kung kababawan lamang ang hangad ng manonood, mayroon nito ang pelikula, ngunit ito'y bilang saplot lamang sa isang malalim na mensahe. Iminumulat ng Bikini Open ang mga mata at isipan ng manonood sa kapahamakang dulot ng paghahabol ng tao sa salapi at pagkasikat Dala ng karukhaan ng bulsa at kahungkagan ng diwa, ang mga kabataang lumahok sa paligsahan ay may matayog na pag-asang magkaroon ng pagkakataong sumikat at magkapera. Dahil din sa kagahaman ng kaniyang prodyuser sa salapi, sumang-ayon si Susan na higit pang parumihin ang kanyang programa upang madaig ang kumpitensiya. Ipinakikita ng pelikula ang katotohanan sa likuran ng makikinang na eksena ng paggandahan ng katawan, nagkakasira ang magkakaibigan, walang patumanggang nagbabastusan at nag-aaway sa publiko, nanglilinlang ng kapwa-tao, sumusuway sa magulang, nakikiapid, nagsisinungaling at nagnanakaw matamo lamang ang pangarap na tanghaling reyna sa paligsahan. Sa kabilang dako, sinasamantala naman ng media ang kamangmangan ng mga dukha sa katauhan ng mga kalahok sa Bikini Open na nilulusob ang kanilang mga bahay at walang pakundangang inihahantad sa telebisyon ang kanilang madidilim na buhay hindi upang makatulong kundi upang tumaas ang rating ng kanilang programa at magkamal ng salaping manggagaling sa sponsors.


Direksiyon: Jeffrey Jeturian
Dulang Pampelikula: Chris Martinez
Sinematograpiya: Eli Balce
Musika: Jesse Lucas
Editing: Tara Illenberger
Disenyong Pamproduksiyon: Ronnie Cruz
Prodyuser: Seiko Films

Thursday, June 29, 2006

LA VISA LOCA: Tunay Na Nakakaloka

Nagbukas ang La Visa Loca (Unitel Pictures, 2005) sa isang silid-paaralan kung saan ipinapakita ng mga musmos na mag-aaral ang kanilang mga drawing na nagsasaad kung ano ang gawain ng kani-kaniyang mga magulang. Sa halip na makapagsalita nang masaya tulad ng ibang mga bata, naihi sa hiya ang batang si Jason, pagkat ang kaniyang inang si Mara (Rufa Mae Quinto) ay isang sirena sa karnabal. Anak sa pagkadalaga si Jason, subalit nang malaman niyang siya'y buntis, iniwan ni Mara ang ama ng bata, si Jess Huson (Robin Padilla), at inilihim dito ang kanyang pagbubuntis. Pangarap ni Jess na makapagtrabaho sa Amerika kung saan siya hinihintay ng kanyang kasintahang si Annette; ang kanya lamang problema ay hindi siya mabigyan ng visa. Sa kanyang trabaho bilang tsuper ng rent-a-car, nakilala ni Jess si Nigel Adams (Paul Holme), isang Amerikanong gumagawa ng dokumentaryo ng mga gawing Pilipino tuwing semana santa. Ang tanging paraang nalalabi upang makasiguro sa pag-alis si Jess ang pagpapapako sa krus sa Biyernes Santo upang mabuo ang dokumentaryo ni Adams.

Makatotohanan ang pelikula at tiyak na marami sa mga manonood ang makauunawa sa mga nangyayari sa mga tauhan nito. Mala-komedya ang dating ng La Visa Loca ngunit may gusto itong ihayag na mga totoong pangyayari sa Pilipinas at sa mga Pilipino hindi dapat daan-daanin na lamang sa tawa. Ayos at akma ang pagganap ni Robin Padilla, presko at bugoy ang dating kapag komedya, ngunit may lalim din kapag hinihingi ng drama. Maliit lamang ang bahagi ni Quinto subalit tulad ng dati, magaling na napaghahalo ng artista ang pagkaseksi niya at pagkakomikera. Damang-dama din ni Johnny Delgado ang papel niya bilang mabisyong ama ni Padilla, samantalang ang pagganap naman ng dayuhang artistang si Paul Holme ay tunay na kapanipaniwala. Maganda ang epekto ng grupo ng mga mang-aawit na pasulpot-sulpot sa kuwento upang tahi-tahiin at bigyang saysay ang pagkakadugtong ng mga eksena.

May isang katotohanang nais bigyang-diin ang La Visa Loca na ang mga Pilipinong naglalaway pumunta sa Amerika ay susuungin ang lahat (pati na nga pagpapapako sa krus) makamtan lamang ang kanilang pangarap. Ang mga pangyayaring bumubuo ng La Visa Loca, sa katunayan, ay mga pinagtagni-tagni ng pelikula upang ipakita ang kaululan ng pagnanasang mangibang-bansa. Mistulang katatawanan ang pelikula ngunit matindi ang mga mensaheng nakapaloob dito, kabilang na ang pagmamahal sa sariling bansa, pananalig sa kapwa Pilipino, debosyon sa mga magulang, at pagiging responsableng mga magulang. Tinutuligsa din nito ang mga masasamang ugali at gawi ng Pilipino na siyang dumudungis sa dapat sana'y malinis na pangalan sa ating bansa at lahi, tulad ng panglilinlang ng kapwa, at ang paghimod sa banyaga, ang colonial mentality o pag-iisip na kahit anong galing sa puting lahi ay higit na mabuti kaysa sariling atin. Iminumulat din ng pelikula ang mga mata ng Pilipino sa pang-aabuso ng mga banyagang mamamahayag na namumuhunan sa paghahantad ng kabulukan ng Pilipino at mag-iibento pa nga nga mga kuwento upang sumulong sa kanilang propesyon. Tinatawag ng La Visa Loca ang pansin ng manonood na sa halip na ang pagkita ng salapi at pangingibang bansa ang ating atupagin, ay bigyang halaga natin ang pagkakasama-sama ng pamilya na siyang magbibigay ng magandang kinabukasan sa ating mga anak. Maaaring malumanay ang dating ng mensaheng ito ngunit makikita ninyo ito nang walang daplis kung papansinin ninyo ang simula at wakas ng pelikula sa loob muli ng silid-aralan, masaya nang ipinapakita ni Jason ang iginuhit niyang pamilya nila sapagka't dito, kasama na nilang mag-ina ang kanyang ama.

Dulang Pampelikula At Direksiyon: Mark Meily

Sinematograpiya: Lee Meily

Musika: Vincent de Jesus

Editing: Danny Anonuevo at Ike Veneracion

Disenyong Pamproduksiyon: Norman Regalado

Prodyuser: Unitel Pictures

Wednesday, June 28, 2006

Si FLOR CONTEMPLACION At Ang Pakikipagsalaran Ng Isang DH

Maraming interbensiyon ang pelikulang The Flor Contemplacion Story (VIVA Films, 1995) sa pagsasalaysay ng kuwentong hango sa tunay na buhayng isang DH sa Singapore. Nagsangkot ito ng mga tauhang bagaman historikal, ang mga kilos at karanasan ay higit na nakapagpalalim ng pag-unawa sa pagkatao ni Flor. Nagpakita rin ang pelikula ng mga imahengnaglugar sa kasaysayan ni Flor sa mas masaganang palad ng panlipunang reyalidad, sa partikular ang karanasa ng iba pang manggagawang Pilipino sa loob at labas ng bansa. Ngunit ang pinakamalaki at at pinakamakabuluhang interbensiyonnito ay nasa pag-ako ng isang tiyak na posisyonsa kaso ng pagkamatay ni Flor Contemplacion. Wala itong kasalanan sa ibinibintang na pagpatay kay Delia Maga at sa batang alaga nito. Pinatitibayan nito ang kapangyarihan ng pelikula o ng anumang malikhaing produksiyon na bumuo ng isang bersiyon ng katotohanan na nagmula sa isang posisyong ideyolohikal.

Upang ganap na maitampok ang kasalimuotan ng mga karanasang personal at panlipunan, malikhaing nagamit ng pelikula ang sinematikong estratehiya ng pagbabalik larawan, gayundin ang presentasyon ng mga imaheng dokyumentaryo. Naging masinop at dramatiko ang sinematograpiya sa pagtatanghal ng madilim, malungkot, nakakatakot, nakakapangilabot na imahe ng bilangguan, gayundin ng pagpapahirap, kawalang pag-asa, kawalang katarungan at kawalan ng pananalig sa tao.

Ang malungkot na kasaysayang ito ng isang DH ay mahusay na naisabuhay ng pambihirang galing sa pagganap. Katangi-tangi ang ipinamalas ni Jaclyn Jose sa matimpi, matapang, puno ng pag-ibig, lihis sa pagkakahongpangsasakarakter kay Neneng, ang babaeng binalingan ng pagmamahal ng asawang si Efren. Nangingibabaw ang pagganap ni Nora Aunor sa papel ni Flor Contemplacion. Mahusay niyang naisadula ang madalamhating larawan ng babaeng pinagtaksilan ng kabiyak at tinalikuran ng kanyang bayan. Maalam at matatag ang pagsasaad ni Nora sa pagkakaunawa at metodo sa layuning dramatiko ng pelikula. Bukod dito lalong yumayaman ang pagganap kung babasahin ang buhay ni Flor sa pelikula kaalinsabay ng buhay ni Nora bilang artista. Ang karanasan ng artista, na lantad din sa marami ay nagbukas ng intertekstuwal na kaban ng kahuluganna lalong nagpapaigting ng pagdamay kay Flor. Sa pagtatapos ng pagsasalaysay ng trahedyang ito, makakamtan lamang ng manonood ang kaliwanagan sa pamamagitan ng paninilay-nilay sa pagkakaugnay ng buhay ng sambayanan sa buhay ni Flor at sa kabalintunaang sa kamatayan ni Flor ay ito ang muling bubuhay sa sining ni Nora Aunor.

Masisipat natin ang ang tanspormasyon ni Flor bilang sagisag ng pagiging martir at Bayani, at ang pananatili ng kanyang alaala sa masalimuot na mapa ng isang pandaigdigang kondisyon na pinaiiral ng isang masigasig na uri ng kapitalismo. Bagamat halaw sa aktuwal na mga pangyayari, makikita sa manipulasyon ng biswal at plastik na elemento ang tahasang paghamon sa bersiyon ng legal na sistema ng Singapore at ang pagsulong pang besriyong naglalayong pukawin, hinddi lamang ang emosyon ng bayan kundi pati na rin ang kanilang mga aspirasyon tungo sa pagbabago ng sistemang bumibiktima sa mga katulad ni Flor Contemplacion.

Direksiyon: Joel C. Lamangan

Dulang Pampelikula: Ricardo Lee at Boni Ilagan

Sinematograpiya: Romeo Vitug

Musika: Vehnee Saturno

Editing: Edgardo Vinarao at Joyce Bernal

Disenyong Pamproduksiyon: Manny Morfe

Prodyuser: VIVA Films

Tuesday, June 27, 2006

Buhay MASAHISTA



Ang Masahista (Gee Film Productions, 2005) ni Brillante "Dante" Mendoza ay isang pelikulang may Pilipinong sensibilidad. Patunay dito ang mga tagpo habang inililibing ang ama ng pangunahing tauhan. Tahasang mababanaag ang pagka-Pilipino ng pelikula kung ikukumpara halimbawa sa banyagang sensibilidad ng Mga Pusang Gala (2005).

Umiikot ang kuwento kay Iliac (Coco Martin), isang masahista sa Maharlika Gay Massage Parlor at sa kliyente nitong si Alfred aka Marina Hidalgo (Allan Paule), na ginagamit nitong pangalan bilang manunulat ng mga nobelang pang-romansa. Habang minamasahe ito ni Iliac, tumatakbo ang naratibo ng pelikula kung saan ipinapakita ang pag-uwi nito sa kanyang pamilya sa San Fernando, Pampanga. Nahahati sa dalawa ang istruktura ng pelikula. Sa loob ng massage parlor at sa burol ng ama ni Iliac. Sa pagbabalik ni Iliac sa Pampanga, nalaman nitong kamamatay lamang ng kanyang ama dahilan sa sakit sa atay. Tumuloy si Iliac sa punerarya kung saan naroon ang labi ng kanyang ama at mga kaanak na tumutulong sa pag-aayos ng libing. Hindi inabot doon ang ina (Jaclyn Jose), kakaalis lamang nito upang kumuha ng damit na ipasusuot sa kanyang ama. Hindi gaanong nakapagbigay ng impormasyon ang pelikula ukol sa karakter ng ina, ipinaubaya na lang sa mga manonood na pagtagni-tagniin ang pira-pirasong bagay ukol sa pagkatao nito sa pamamagitan ng usapan ng mga kamag-anakan. Nalaman lang natin na iniwan sila ng ama at nagbalik lamang nang malamang malala na ang karamdaman ito. Labis na ipinagtataka ni Iliac ang dahilan sa pagtanggap ng kanyang ina at pagdesisyunang alagaan ang ama hanggang sa ito ay bawian ng buhay. Dahilan sa siya ang pinakamatanda sa tatlong magkakapatid, napilitan itong maghanapbuhay sa kanyang murang edad kung saan namasukan siya sa Maynila bilang isang masahista. Hindi gaanong tinalakay sa pelikula kung paano napasadlak si Iliac sa ganoong uri ng hanapbuhay. Sana'y naipakita ito sa pelikula, mahalagang malaman ito ng mga manonood upang lubos na maunawaan ang karakter ni Iliac. Ganito rin sana ang ginawa sa relasyon ni Iliac sa isang puta (Katherine Luna) na naghihintay sa kanya sa labas ng massage parlor lulan ng isang taksi. Ipinakitang sumama na lamang si Iliac dito at umalis. Naging mas epektibo sana kung nilandas ng dula ang pagkakaiba ng pakikitungo nito sa babae kumpara sa mga baklang kliyente sa trabaho. Nang ipakilala ng pelikula si Iliac, alam ng manonood na tanggap nito ang kanyang trabaho bilang masahistang todo pasa sa mga kalaswaang nais ipagawa sa kanya ng kanyang mga kliyente. Bahagi lamang ang lahat ng ito ng kanyang hanapbuhay.

Maraming tahimik na mga tagpo ang pelikula, tulad na lamang ng pagpapalit-palit ng eksena habang hinuhubaran ni Iliac si Alfred kasabay na ipinapakita ang pagtulong nito habang binibihisan ang ama sa punerarya. Sa kabuuan ng tagpo ay makikitang hindi apektado si Iliac ng kayang ginagawa, tulad na lamang ng tahasang pagpapyag niyang pasukin ni Alfred ang kanyang katawan kung saan walang emosyong makikita sa mga matang nakatitig lamang sa isang butiking nasa kisame. Higit na nadama ang nagpupuyos nitong damadamin nang tuluyang pakawalan ang poot na nararamdaman habang tinitingnan ang mga bagay na naiwan ng kanyang ama, tulad ng sukat ng paa nilang magkakapatid na itinago upang maibili sila ng sapatos.

Mahalagang mga papel ang ginampanan nina Allan Paule at Coco Martin, Mahusay si Allan bilang Alfred/Marina, ang manunulat na kliyente ni Iliac. Nariyang pigilin nito at ang pagka-bading sa pamamagitan ng paggamit ng mumunting ekspresyon sa mukha at pagbabago ng kanyang boses. Samantalang hindi matatawaran ang talinong ipinamalas ni Coco Martin bilang Iliac. Mahusay sa pagbitaw ng dayalogo ang baguhang aktor at tunay naman itong kapani-paniwala sa tagpong nilalambing si Alfred upang ibili siya ng sapatos. Nakuha nito ang simpatiya ng manonood nang hindi sapat ang bayad na ibinigay sa kanya ni Alfred matapos nitong ipagamit ang katawan. Maikukumpara si Coco Martin kay Bembol Roco nang gampanan ng huli ang papel ni Julio Madiaga sa obra ni ni Lino Brocka ang Maynila Sa Mga Kuko Ng Liwanag. Ang Masahista ay isang komentaryo sa kahirapang bumabalot sa lipunang nagsasakdal sa mga kabataang tinuturuan nitong ibenta ang sariling katawan upang bahagyang makaahon sa buhay.

Direksiyon: Brillante Mendoza

Dulang Pampelikula: Boots Agbayani Pastor

Sinematograpiya: Timmy Jimenez at Monchie Redoble

Musika: Jerrold Tarog

Editing: Herbert Navasca

Disenyong Pamproduksiyon: Benjamin Padero

Prodyuser: Gee Film Productions





Kasama si Direktor Brillante" Dante" Mendoza sa Chicago International Film Festival, Oktubre, 2005

Monday, June 26, 2006

Magandang ILUSYON



May ambisyon si Miguel (Yul Servo) ang maging isang pintor na tulad ng kanyang amang si Pablo (Ronnie Lazaro). Mula probinsiya, bumalik siya sa Maynila upang makapiling ang ama, bagama't di niya ito dinatnan, lumayo ito upang makalimot sa mga dagok ng buhay na binabata nito. Nakakakita ng trabaho bilang pintor ng bahay si Miguel. Isang araw, dumating sa bahay nila si Stella (Jaycee Parker), isang modelong dapat ay ipinta ng kanyang ama. Nagpanggap si Miguel na siya ang pintor upang mapalapit lamang sa kabigha-bighaning si Stella. Di naglaon, pagkatapos ng ilang sesyon ng "pagpipinta" ni Miguel sa naghuhubad na modelo, nagkaniig nga sila. Ipinapinta ni Miguel sa isang totoong pintor ang larawan ni Stella at ito ang ipinakita niya sa dalaga. Ngunit isang araw, natuklasan ni Stella na hindi tunay na pintor si Miguel. Nagkasira ang magkaniig? Bagay na hindi matitiis ni Miguel, ngunit huli na kaya ang lahat?

Katulad ng karamihang mga art films o mga pelikulang ginagawa sa ngalan ng sining, may pagka-eksperimental ang Ilusyon (Digital VIVA, 2005). May magandang istoryang naisalarawan nang mahusay; pinag-aralang mabuti ang mga anggulo ng kamera kung kayat kahit na ang mga eksena ng pagniniig ni Miguel at Stella ay napalabas na maayos. May pagkamabagal at nakakainip, lalo na sa simula, ang kuwento, ngunit maaaring sinadya ito upang ipakita ang takbo ng isipan ng mga tauhan sa kuwento, o ang kabagot-bagot na pamumuhay ng pangunahing tauhan, si Miguel. Napalutang din ng ganitong istilo ng kamera ang kabigha-bighaning ganda ng pangunahing artistang babae, si Jaycee Parker. Para sa kani-kaniyang mga papel, sapat na ang pagganap ng iilang artista sa Ilusyon, ngunit namumukod tangi si Yul Servo. Muli niyang pinatunayan na hindi lamang tsamba ang papuring kanyang tinamo sa mga pelikulang Batang Westside (2000), Laman (2002) at Naglalayag (2004).

Hindi pangunahing pakay ng mga naturang art films ang magbigay ng aral sa mga nanonood. Nais lamang ng mga ito na magsalarawan ng katotohanan, ng mga tunay na pangyayari sa buhay, at sa paggawa nito, ang maipakita ang pananaw ng pelikula sa mga pangyayari o katotohanang naturan. Magkagayon man, nasa manonood na ang paglilimi sa halaga ng pelikula. Ang manonood na ang bahalang maghanap ng mensahe ng isang art film at ang maghusga ng kabuluhan nito sa buhay ng tao. Sa ganang akin, nararapat usisain ng tao sa Ilusyon ay ang katuturan ng ambisyon. Ano ang tama at mali dito? Tumpak bang magsinungaling upang makuha lamang ang ating pinagnanasaan, upang "matupad" lamang ang ating ambisyon kahit sa ating daigdig ng mga ilusyon? Ano mang itinatag sa ilusyon? Buhay man o pag-ibig, ay naglalahong parang bula at nag-iiwan ng malalim na pilat sa kaluluwa. Kung hindi natin susuriin ang ating mga ilusyon, magiging alipin tayo ng mga ito.

Direksiyon: Paolo Villaluna at Ellen Ramos

Dulang Pampelikula: Jon Red at Paolo Villaluna

Sinematograpiya: Oddysey Flores

Musika: Paolo Villaluna

Editing: Paolo Villaluna at Ellen Ramos

Dirensyong Pamproduksiyon: Danny Red

Prodyuser: Digital VIVA At Pelipula

Sunday, June 25, 2006

Mahilig Ka Ba Sa PUSANG GALA?



Magkatapat ang kapalaran nila Boyet (Ricky Davao), isang baklang nobelista, at Marta (Irma Adlawan), isang advertising executive na kapwa magkapitbahay sa inuupahang duplex. Higit silang magkakalapit sa kanilang pagdamay sa isa't-isa bilang mga biktima ng kanilang kahinaan. Si Boyet ay lulong sa kanyang pagmamahal kay Dom (Loren Novero), at bagama't dama niyang siyang hinuhuthutan lamang nito, pikit mata pa rin niya itong tinatanggap. Si Marta naman, sa kabila ng kaniyang katalinuhan sa gawain, ay naboboba pagdating sa pag-ibig niya kay Steve (Reggie Curley) na hindi naman magpabitag pagkat ayaw niya ng sagutin sa pagmamahalan. Nagtago na si Dom nang mapatay niya ang alagang yagit ni Boyet, si Jojo (Alchris Galura) nang labanan siya nito pagka't nahuli siyang nagnanakaw ng pera ni Boyet. Si Steve naman ay nagmatigas na tumangging pangatawanan ang pagiging ama niya nang mabuntis si Marta. Nang maglaho sa kanilang buhay ang kani-kaniyang mga lalaki, lalong nagkalapit si Boyet at si Marta sa kanilang pagdadalamhati at pagnanasang maghiganti at patayin ang mga nagsamantala sa kanila.

Tatlong bagay ang lubos na mabibigyang pansin sa Mga Pusang Gala (Erasto Productions/MLR Films, 2005). Ang magandang kuwento, at pagkakalahad nito, ang pagganap ng mga pangunahing tauhan. Kapansin-pansin ang natatanging husay nina Irma Adlawan at Ricky Davao. Muling pinatunayan ng dalawang aktor na hindi mahalaga ang badyet ng pelikula kundi ang karanasang maidudulot nito sa sining ng pagganap. Kapupurihan din ang pagkakasunod-sunod ng mga eksena, at ang ginawang juxtaposition sa ilan dito, lalo na noong nagkakahigpitan na ang pag-aaway ng mga magkakasintahang Marta at Steve, Boyet at Dom. Kapuna-puna rin ang mga sets na malalaman mong pinag-isipang mabuti gawa ng mga kaakit-akit na kulay at disenyo ng mga ito na naghahantad sa personalidad ng mga tauhan. Ipinapakita din ng kakaibang galing sa potograpiya at ng angkop na musika na ginamitan ng imahinasyon ang pagbubuo ng Mga Pusang Gala.

Maaring itanong kung bakit ganoon ang pamagat ng pelikulabg Mga Pusang Gala? Bukod sa mahilig magkupkop ng mga pusang gala ang isa sa mga pangunahing tauhan sa pelikula, may mga pagkakahawig ang buhay ng mga tauhan sa buhay ng mga pusang kalye. Ulila silang matatawag, nabubuhay sa sariling kayod, walang sinasandalan, naghahanap ng sariling makakain at ng sariling maaapi o mapapaglibangang daga sa oras ng kalungkutan o pagkabagot. Ngunit kapag natapakan mo sila, tiyak na kakalmutin ka. Mabigat ang itinuturong aral ng pelikula; nawa lamang ay masagap ito ng mga manonood: Hindi sapat na layunin sa buhay ang "maging maligaya" o ang "huwag magutom." Sapagkat bagama't ikaw ay busog at maligaya sa iyong akala, hindi ka sasagipin ng iyong tiyan o ng iyong akala kapag ikaw ay nalulunod na sa unos ng buhay. Ngunit kung kailan kailangan ang linaw ng isipan at tatag ng kalooban, ang tatakbuhan mo lamang ay ang kapwa mo api, ang bote ng alak, at sigarilyo? Masahol ka pa sa pusa. Mabuti pa ang mga pusang gala, pagkatapos makipagbabag, may dignidad nang muli. Samantalang sina Boyet at Marta ay nilason ng pait ang kanilang mga puso at diwa.

Direksiyon: Ellen Ongkeko Marfil

Dulang Pampelikula: Jun Lana At Rody Vera

Sinematograpiya: Alma de la Pena

Musika: Jerrold Tarog

Editing: Nonoy Dadivas at Christopher Dineros

Disenyong Pamproduksiyon: Ching Danseco

Prodyuser: Erasto Productions At MLR Films

Saturday, June 24, 2006

Isang MAGNIFICOng Pelikula

Nang maospital at magkasakit ang kanyang Lola Magda (Gloria Romero), namulat ang musmos na kaisipan ni Magnifico (Jiro Manio) sa maraming komplikasyon ng buhay at kamatayan. Minsan ay narinig niyang nagtatalo ang kanyang inang si Edna (Lorna Tolentino) at amang si Gerry (Albert Martinez) tungkol sa hirap ng buhay at gastos ng pagpapalibing kung sakaling mamatay ang kanyang lola. Nakadagdag pa sa kanilang suliranin ang pagkakaalis sa pagiging iskolar ng kanyang Kuya Miong (Danilo Barrios) at ang kapansanan ng nakababatang kapatid na si Helen ( Isabella de Leon) na hindi makalakad at di makapagsalita. Dahil dito'y nagsimulang mag-isip si Magnifico kung paano siyang makakatulong sa mga problema ng kanyang mga magulang. Lingid sa kaalaman ng lahat, unti-unting binuo ni Magnifico ang kabaong na para sa kanyang lola sa tulong ng kanyang kalarong si Carlo (Joseph Robles). Nag-isip din sila ng paraan upang makalikom ng sapat na pera at puspusang inasikaso ni Magnifico ang bawat detalye sa magiging libing ng kanyang mahal na lola. Kasabay nito'y pawang pasan niya ang napakarami pang problema sa daigdig at sa kanyang munting paraan ay ninais niyang masolusyunan ang mga ito sa pagnanais niyang makatulong sa kabila ng kanyang kamusmusan.

Isang matapat at masinop na cinema verite ang Magnifico (Violett Films Production, 2003) na talaga namang aantig sa puso ng sinumang makakapanood nito. Hindi melodramatic ang takbo ng kuwento na walang bida at kontrabida kundi mga tunay na tao lamang na nasadlak sa mga kani-kanilang sitwasyon. Ang punto de bista ng batang si Magnifico ay malinaw at hindi naligaw hanggang sa katapusan ng pelikula. Payak at hindi pilit ang pagkakaganap ng lahat ng tauhan lalong-lalo na ang mga batang sina Jiro Manio, Joseph Robles at Isabella de Leon. Ang pawang eksperimental na pagtrato sa sinematograpiya ay nagpaantig pang lalo sa pagiging makatotohanang kuwento. May ilang gaspang lamang sa tunog na maaari namang palagpasin at ang anupamang kakulangang teknikal ay natabunan ng maayos na editing at mahusay na direksiyon. Ang resulta'y parang hindi pelikula kundi isang malaking bintana sa tunay na buhay na nabuksan sa mata ng isang paslit.

Hindi madalas na makapanood ng pelikulang kasingtapat at kasingpayak ng Magnifico na may layuning magsabog ng pag-asa at kabutihan sa kabila ng nagdadagsaang mga pelikulang kundi karahasan ay hubad na katawan ang pambenta. Labis na ikinagagalak ng mga manonood ang pagkakaroon ng isang pelikulang bagama't hindi nagsesermon ay malakas na kukurutin ang iyong puso na gumawa ng kabutihan sa kapwa ng walang hinihintay na kapalit. Para kay Magnifico, ang pagtulong, pagmamahal at pagbibigay ay likas sa puso ng bawat isa. Kahanga-hangang bagama't madalas sa minsan ay hindi nasusuklian ang kabutihan ni Magnifico, patuloy pa rin siya sa kanyang mabuting hangarin. Hindi siya nawalan ng loob bagama't hindi parating umaayon ang kapalaran sa kanya. Mapagninilayan sa pelikula ang tunay na kahulugan ng buhay at kamatayan sa mata ng isang bata. Sa bandang huli'y mapatutunayan na nagbubunga rin ang paggawa ng kabutihan. Habang abala ang karamihan sa paghahangad ng yaman sa mundo, at sa pagsusubok na baguhin ang masalimuot na daigdig, narito ang isang pelikulang nagsasabing ang mundo ay magbabago kung makikita lamang ito ng mga tao sa mata ng isang batang tulad ni Magnifico.

Direksiyon: Maryo J. de los Reyes
Dulang Pampelikula: Michiko Yamamoto
Sinematograpiya: Oddysey Flores
Musika: Lutgardo Labad
Editing: Manet Dayrit
Disenyong Pamproduksiyon: Gerry Pascual
Prodyuser: Violett Films Production