CLICK HERE FOR THOUSANDS OF FREE BLOGGER TEMPLATES »

Monday, July 31, 2006

Naniniwala Ka Ba Sa Mga PAMAHIIN?

Umuwi sa Pilipinas si Noah (Dennis Trillo) kasama ng kasintahang si Aileen (Iya Villania) pagkatapos manirahan sa Amerika ng labinlimang taon upang makiramay sa pagkamatay ni Damian (Paolo Contis), kanyang kababata at matalik na kaibigan. Nagbigti si Damian nang hindi na niya mabata ang buhay na wala si Becca (Marian Rivera). Si Becca at ang kanyang inang si Belinda (Jaclyn Jose) ay lumisan ng baryo dalawang taon na ang nakaraan, matapos silang sugurin at palayasin ng mga naninirahan sa baryo sa palagay na ang mag-ina ay mga mangkukulam. Sunod-sunod ang mahiwagang pagkamatay ng ilan nilang mga kakilala, kabilang na ang isang paslit na natagpuang walang puso sa bukid, ang ama ni Damian na si Tata Sebring (Chris Daluz) na nabagsakan ng isang malaking salamin, at ang tiyahin ni Noah na si Amelia (Vangie Labalan) na nadaganan naman ng isang grandfather clock. Napailalim ang mga naiwang buhay sa kapangyarihan ng pamahiin, sa takot na baka sila sunduin ng mga namatay at isama sa hukay. Higit na mag-iigting ang hiwaga sa muling paglitaw ni Becca upang ipagtapat na si Noah ang kanyang napupusuan at hindi si Damian.

Sa pagganap at special effects nakasalalay ang buhay ng isang pelikulang katatakutang tulad ng Pamahiin (Regal Entertainment, 2006). Walang gaanong paghamon sa kakayahang umarte ng mga nagsiganap ang pelikula, bagama't hinihingi nito na marunong magmukhang nagulat o natakot ang mga artista at sabayan ito ng naaakmang pandidilat ng mata, sigaw, tili o pagkahimatay. Sa lahat ng nagsiganap, tanging si Jaclyn Jose lamang ang lumutang bilang mangkukulam. Sa kabila ng kanyang kaanyuan na hindi nakakatakot tulad ng tipikal na imahe ng isang mangkukulam, napadama pa rin ng kanyang maikling pagganap ang kahindik-hindik na bunga ng paglilingkod sa demonyo. Pasable ang tunog at tugtugin na siyang nakakadagdag sa sabik at takot ng manonood, gayon din ang anyo ng mga multo, at ang paggamit ng punerarya sa pagbubukas ng kuwento upang kulayan ng kamatayan ang buong pelikula.

Ano ba ang saysay ng di-mabilang na tagpong pananakot sa pelikulang ito? Takot ang sinulid na nagtatahi-tahi sa mga tauhan at pangyayari sa Pamahiin. Ang pagbibigay-halaga sa pamahiin at ang paulit-ulit na pagmumulto ng mga yumao ang bumabalot sa katauhan at isipan ng mga naiwan na siyang naghahari sa kanilang mga kilos. Mga simbulo ng demonyo, sa dambana at mga gamit ng mangkukulam ang nananaig sa mga eksena. May ilang piling tagpong tunay na nakahihindik ngunit hindi ito sapat upang maging tunay na epektibo ang isang pelikulang ang tanging mithiin ay ang bigyan ng matinding sindak ang mga manonood.

Direksiyon: Rayhan Q. Carlos

Dulang Pampelikula: Andrew Paredes at Rayhan Carlos

Sinematograpiya: Jun Aves

Musika: Richard Gonzales at Vince de Jesus

Editing: John David Hukom at Jay Halili

Disenyong Pamproduksiyon: Edgar Martin Littaua

Prodyuser: Regal Entertainment

Sunday, July 23, 2006

Saan Nagtatago Si FRANCIS?

Dating mga durugistang mahigpit ang pangangailan sa pera ni Boy (Paolo Contis), kasintahan ng bayarang-babaeng si Sofia (Tanya Garcia ). Kasama ng kaibigan niyang si Sonny ( Rico Blanco) Hila ang isang kalabaw, nagtungo ang dalawa sa bahay ng mayaman at dating kabarkadang, si Francis (Epy Quizon) upang isangla ang hayop at makahiram ng apatnapung libong pisong gagastusin sa pagtatanan ng magkasintahan. Gusto nang layasan ni Sofia, isang puta ang hanapbuhay nito kay Mama Bel (Rio Locsin) subalit binantaang papatayin kapag tumakas siya. Ang maitutulong lamang ni Francis kay Boy ay pasahan ito ng limampung tableta ng Ecstacy, isang bawal na gamot na kanilang ibebenta at maaring mapag-tubuan ng isang libong piso bawat piraso. Sa kasamaang palad, biglang inatake at namatay si Francis habang pinag-uusapan ang kanilang negosyo. Dahil sa labis na kasakiman, itinago nila ang bangkay ni Francis habang hinahalughog ang buong kabahayan sa pag-asang matatagpuan nila ang hinahanap na mga tableta.Samantala, unti-unti nang nagdadatingan ang kapamilya't kasintahan ni Francis, pati na ang drug lord na si Rocky (Christopher de Leon) na pawang walang kamalay-malay sa mga pangyayari.

Hinaluan ng animasyon ang pelikula upang panindigan ang pagiging komedya nito at upang makatulong sa daloy ng kuwento. Nang inatake si Francis, ginamit ang animasyon upang ipakita kung ano ang nangyayari sa loob ng katawan nito, tumibok ng matindi ang isang lamang-loob hanggang sa ito ay sumabog. Malinaw na naisalarawan ang nangyayari sa loob ng katawan ng isang taong banagag o nasa ilalaim ng kapangyarihan ng ipinagbabawal na gamot. Mabilis ang takbo ng istorya at nakasasabik bagama't nakakainis gawa ng katangahan ng mga pangunahing tauhan sa pilit na pagtatago ng bangkay. Subalit kung hindi naman sila sakim at tanga, wala namang istoryang susundan ang mga manonood, sa loob ng beinte minutos tapos na ang sine. Mahusay ang pagganap ni Christopher de Leon bilang Rocky, ang drug pusher, bagay na kahanga-hanga sapagkat ipinapakita ang propesyonalismo ng artista at iginagalang ang gawain nito kahit ang pelikula'y lubhang mababa para sa kanyang kakayahan..

Komedya ang Nasaan Si Francis? (Unico Entertainment, 2006),

ngunit hindi katawa-tawa ang tema nito. Dalawang uri lamang ang mga pangunahing tauhan, mga adik at puta. Iisa lamang ang problema ng lahat, pera. Hindi ko lubusang matanto ang punto ng pelikula. Bakit ginagawang katatawanan ang isang kagaguhan? Ang pagtatago ng bangkay nang hindi inaalintana ang mga kapahamakang ibubunga nito upang matamo ang pinagnanasaang gamot na magbibigay sa kanila ng pera. Lubhang napakasuwerte nitong mga nagtatago buong araw at magdamag na hindi nahuli. Ginusto marahil ipakita ng pelikula na ipakita ang kababawan ng atensiyon ng mga sugapa, kung hindi sa groga, pera o sa inaakalang pag-ibig. Ang hinahanap nilang bawal na gamot ay wala sa loob ng bahay. Nasa bulsa ito ng pantalong nakasampay malapit sa kalabaw. Nalaglag ang gamot at kinain ng kalabaw. Nabangag ang kalabaw. Wakas.

Dulang Pampelikula at Direksiyon: Gabriel Fernandez

Istorya: Peque Gallaga at Gabriel Fernandez

Sinematograpiya: Miguel V. Fabie III

Musika: Minco Fabregas

Editing: Michael G. de Castro

Disenyong Pamproduksiyon: Roy Lachica

Prodyuser: Unico Entertainment

Sunday, July 16, 2006

Ang Simula Ng PAGDADALAGA NI MAXI



Masaya at mapagmahal ang pamilyang kinabibilangan ni Maximo Oliveros (Nathan Lopez). Kung dangan lamang ay napapalibutan sila ng isang pamayanang sanay sa kasalatan, mga ilegal na gawain at karahasan. Marahil, dahilan sa pagiging isang homoseksuwal, ito ang tumatayong ina-inahan ng pamilyang ulila sa ina. Mapaglingkod siya sa ama at mga kapatid at hindi nito kinukuwestiyon ang mga ilegal na gawain ng kanyang pamilya. Hanggang iligtas siya ni Victor (JR Valentin), isang bagitong pulis, mula sa pambabastos ng mga kapit-bahay. Naging matalik silang magkaibigan at unti-unting nagigising ang damdaming musmos ni Maxi. Subalit isang krimen ang hahamon sa katapatan nito sa kanyang pamilya o sa itinatanging kaibigan

Kung ang batayan ay ang paglikha ng pelikulang mainstream, masasabing kulang ang aspetong teknikal ng Ang Pagdadalaga Ni Maximo Oliveros (UFO Pictures, 2005) dahil sa paggamit ng natural na ilaw at iisang kamera. May kadiliman ang karamihan ng mga eksena at may kagaspangan ang galaw ng kamera. Subalit kung ang batayan ay ayon sa kategorya ng isang mapagpalayang sining, maaring mapalampas ang mga kakulangang ito. Sa kabilang dako, hitik naman sa imahen at kahulugan ang bawat tagpo at usapan. Ang katangi-tangi ay kung paanong pinagyaman ang bawat katauhan. May lalim at katapatan ang pagbuo ng pagkatao mula sa amang ilegal ang hanap-buhay ngunit labis na mapagmahal sa mga anak (Soliman Cruz), si Bogs (Ping Medina) ang kuyang sumusuporta sa bunsong kapatid, ai Victor, ang bagitong pulis na namulat sa katotohanan ng karahasan at si Maxi, isang batang homoseksuwal na nakadama ng paghanga sa isang itinatangi sa unang pagkakataon. Malumanay na haplos ang pagsunod ng manonood kay Maximo. Napakatapat ng pagsasalaysay na hindi maiiwasan na magpunyagi ang manonood sa huling eksena kung saan nalagpasan ni Maximo ang pagsubok.

Kung mayroon isang paglalarawan sa Ang Pagdadalaga Ni Maximo Oliveros, ito ay ang pagiging tapat nito sa daloy ng buhay. Walang pagpapalabis sa magaganda o pagtatakip sa pangit. Kaya't yaong mga tunay na kabaitan at kagandahang-loob ay lutang-na lutang, tulad ng malasakit ni Maxi sa kapitbahay na gusgusin, ang mahigpit na ugnayan ng mag-aama, pagdarasal bago kumain, ang pananatili ng dangal bilang alagad ng batas, ang pagpapahalaga sa pagkakaibigan. Sa pelikula, binibigyang halaga ang ugnayan higit sa lahat at kahit napapaligiran ng karahasan at katiwalian ang mga tauhan, mahaba pa rin ang mitsa ng kabutihan at kagandahang asal. Dalawang bagay ang nakababagabag sa pelikula. Una, ang walang kuwestiyong pagtanggap ng mga tauhan sa homoseksuwalidad. Ikalawa, ang konsepto na kailangang tapatan minsan ng karahasan na nauuwi sa pagpatay upang sugpuin ang kasamaan. Mainam nga lang na ang dulong bahagi ng pelikula ay pinabalintunaan ang dalawang ito. Una sa pagtangging saktan ni Victor nang mahuli si Bogs at ang nagpapahiwatig ng pagbabago ni Maxi. Sa huling tagpo, kapwa lumalim sa pagkakaibigan sina Maximo at Victor bagama't handa na silang umusad bilang higit nang tuwid na bahagi ng lipunan. Sa bahaging ito higit na naging matagumpay and direktor na si Aureaus Solito at ang manunulat na si Michiko Yamamoto. Isang mahusay at nakakaantig na pelikulang nangangailangan ng masusing pag-unawa mula sa mga matatalinong manonood.

Direksiyon: Aureaus Solito

Dulang Pampelikula: Michiko Yamamoto

Sinematograpiya: Nap Jamir

Musika: Pepe Smith

Editing: Kanakan Balintagos at Clang Sison

Disenyong Pamproduksiyon: Christina Dy, Clint Catalan at Lily Esquillon

Prodyuser: Cinemalaya at UFO Pictures




Kasama si Direktor Aureaus Solito nang ipalabas ang pelikula sa New Films/New Directors Series ng New York Film Festival



Ang Prodyuser, si Raymond Lee nang itanghal ang pelikula sa MOMA (Museum Of Modern Art) , New York

Wednesday, July 12, 2006

Ikaw Ba Ay BUGBOG SARADO?

Naghanap ng mauupahang kuwarto ang maglive-in na Shai (Andrea del Rosario) at Brandon (Victor Neri) at napadpad sila sa bahay ng maglive-in din na Brix (Jordan Herrera) at Stella (Maui Taylor). Sa unang gabi ng paglipat nina Shai at Brandon, narinig nilang pawang binubugbog ni Brix si Stella sa kabilang kuwarto. Gustuhin man nilang tumulong ay hindi nila magawa sapagkat kataka-takang hindi humihingi ng tulong si Stella. Hanggang isang gabing wala si Shai ay pumasok si Stella sa kuwarto ni Brandon at siya'y humingi ng tulong. Ngunit sa halip na sagipin mula sa pambubugbog ni Brix ay nagtalik lamang ang dalawa. Lingid sa kaalaman nina Shai at Brix ay nahuhumaling na si Brandon kay Stella. Ngunit isang misteryo pa rin ang tunay na pagkatao ni Stella na madidiskubre lamang ni Brandon matapos nitong masangkot isang gabi sa away nina Brix at Stella. Habang sa isang dako naman ay nakamasid ang isang pipi't binging (Marky Lopez) tagahanga ni Stella na masugid na nagbabasa ng nobelang isinulat ni Stela na animo'y katulad ng nangyayari sa kanila sa tunay na buhay. Maging magkatulad kaya ng katapusan ng nobela at ng kuwento ni Stella?

Isang naiibang kuwento ng bugbugan ang Bugbog Sarado (Viva Films, 2003) na aakalaing isang ordinaryong kaso ng karahasan sa tahanan. Mahusay ang mga kuha ng kamera at pasable na rin ang pag-arte ng mga artistang nagsiganap. Palibhasa'y ninais na bigyan ng bagong bihis, naging malikot ang kamay ng direktor sa panlilinlang sa mga manonood ng mga susunod na pangyayari. Bagama't mabilis at maayos ang takbo ng istorya, kapansin-pansin pa rin ang pagbabago-bago nito ng punto de bista na siyang labis na nagpagulo sa kung ano ba talaga ang gustong sabihin ng kuwento. Kakaiba lamang ang bihis ng pelikula ngunit walang sapat na motibo at motibasyon ang mga tauhan sa kanilang kilos at galaw. Kulang sa lalim ang kuwento sa kabuuan kaya't lumabas tuloy na hindi kapani-paniwala ang pelikula.

Walang komentaryong panlipunan ang pelikula ukol sa pananakit at pambubugbog ng kababaihan na siya marahil ang inaasahan ng karamihan sa manonood. Ang Bugbog Sarado ay isa lamang panlilinlang sa kahit saang anggulo suriin. Unang nalinlang ay ang mismong pangunahing tauhang si Brandon na inakalang nangagailangan ng tulong si Stella at dahil sa kanyang pagmamagandang loob ay siya pa ang napahamak. Nalinlang din ang kawawang piping saksi na siyang labis na nagdusa na ang tanging kasalanan lamang ay humanga ng labis kay Stella. Nalinlang lamang siya ng kanyang binasang nobela na kanyang inakalang mangyayari sa tunay na buhay. Higit sa lahat, nilinlang ng pelikula ang mga manonood na lubos ang pagmamalasakit sa mga katulad ni Stella na nakakaranas ng karahasan at pananakit mula sa mga kalalakihan na sa bandang huli'y madidismaya lamang at muling pag-iisipan kung may buti nga bang dulot ang pagtulong sa mga inaapi. Pinaigting lamang ng pelikula ang paniniwalang walang katarungang namamayani sa ating lipunan. Sa isang bansang bugbog sarado na sa kawalang-pag-asa, walang buting maidudulot ang pelikulang tulad ng Bugbog Sarado na naging matagumpay lamang sa panlililinlang.

Direksiyon: Joel C. Lamangan

Dulang Pampelikula: Roy C. Iglesias

Sinematograpiya: Rolly Manuel

Musika: Jesse Lucas

Editing: Marya Ignacio

Disenyong Pamproduksiyon: Larry Matic

Prodyuser: VIVA Films

Sunday, July 09, 2006

Magpalipad Tayo Ng SARANGGOLA

Ang salimuot ng pagkatao sa pagharap sa maigting na moral na krisis ang nagsusulong sa naratibong inilatag ng Saranggola (Teamwork Productions, 1999). Ipinahihiwatig ng mga pagtatanghal sa buhay ni Homer Agustines(Ricky Davao), isang pulis na hindi maibubukod ng simpleng tuwid na linya ang itim at puti sa kalooban ng tao. na hindi madaling maamin ang lalo na't kasangkot ang sariling kaligayahan at ang pinakamamahal. At higit pa itong nagiging maigting kung nakasalalay sa musmos ang pagpapasiya upang mailantad ang katotohanan. Hanggang kailan makakaya ng isip ng bata na maiwaksi ang totoo? Hanggang saan maipapaloob at maikukubli ng pulis sa iniilusyong kapangyarihan ang etikal na dilemang nagbabantang magwasak sa sarili? Dumadaloy ang pagsasapelikula sa mga usaping ito sa konteksto ng matalim na pagpuna sa paghahangad ng kapangyarihan kapalit ng mabuting pakikipagkapwa. Bilang pulis, ginagampanan ni Homer ang pangangasiwa ng kaayusan sa lipunan, mula sa pagsasaayos ng trapiko hanggang sa paglupig ng masasamang loob na nagbibigay dito ng pakiramdam ng dominasyon sa kapwa. Totoong sa panahon ng pagganap ng kanyang tungkulin, isang bahagi ng dominasyon ang pulis. Dahil sa pagkahirati sa kapangyarihan, naging abusado si Homer. Maraming hindi maganda ang tingin sa kanya. Ngunit ang abusadong pulis ay siya ring butihing ama at malambing na manliligaw. Makikita itong nagluluto ng agahan at nag-aasikaso sa pinag-aaral na anak si Rex (Lester Llansang). pawang matatamis na salita ang ipinapahayag sa nililigawang guro na si Anita (Jennifer Sevilla), ngunit sa ibang pagkakatao ay minumura ang walang labang katulong. Siya rin ang hindi nakakalimot sa magagandang alaala ng yumaong kabiyak ngunit handang gamitin ang mga alaalang ito upang mahikayat ang anak na takasan ang krimen. Kampante sa kanyang pagkapulis si Homer. Hanggang sa dumating ang pagkakataong masira ang kanyang kumpiyansa dulot ng hindi pagkilala sa kanyang dominateng posisyon sa pagsasakatuparan ng okupasyon. Dahilan sa nasira ang disposisyon ni Homer sa trabaho ay napagbuhusan ng init ng ulo ang isang batang napagkamalan nitong magnanakaw at nabaril niya ito. Sa pagkamulat ni Homer na inosenteng bata ang kanyang nabaril, nangibabaw dito ang awa at itinakbo ang bata sa ospital. Ngunit sa krusyal na sandali habang nasa harap ng ospital nagbago ito ng isip at hinayaang malagutan ng hininga ang naghihingalong biktima. Ang tagpong ito ang nagsilbing pusod ng pelikula. Walang berbalisasyon sa estadong isip ni Homer ngunit higit na tumibay ang kanyang walang awang pasiya nang maalala nito ang kapangyarihang maisasakatuparan bilang pulis na baluktutin ang katotohanan. Ang mga sumusunod na eksena ay dramatikong komprontasyon ng paggigiit ng dominasyon at katumbas na pggigiit ng katotohanan. At nagaganap ito sa loob ng isang maliit na komunidad kung saan kilala ni Rex ang mag naninirahan. Nagkaroon ng krisis si Rex na halintulad sa krisis na kinakaharap ng ama. Hindi maiiwasang matalsikan ito ng dugo na likha ng pagkapulis ni Homer. Sa una'y naipapaloob ito sa harap ng magkalangkap na pagmamahal sa ama at ang dominasyon nito sa anak.

Isang walang takot na pelikula ang Saranggola. Inilalantad ang mukha ng paggamit ng posisyon ng dominasyon sa lipunan at responsibilidad kapag inabuso ito. Ipinakita na masusheto ang tila omnipotenteng lakas ng sinumang mapagmalabis sa pamamagitan ng kolektibong pagkondenang isinasagawa ng isang komunidad at maging ng isang indibidwal na malinaw ang posisyong moral tungo sa pagkakaroon ng responsableng pagkatao.

Direksiyon: Gil M. Portes

Dulang Pampelikula: Jose Dalisay, Jr. at Gil M. Portes

Sinematograpiya: Louie Quirino

Musika: Joy Marfil

Editing: Tara Illenberger

Disenyong Pamproduksiyon: Tanny Perez

Prodyuser: Teamwork Productions

Saturday, July 08, 2006

Isang Makabuluhang EBOLUSYON



Kakaibang uri ang sineng nilikha, kaakibat nito'y seryoso at walang bahid na komersiyalismo. Ang Ebolusyon Ng Isang Pamilyang Pilipino (Sine Olivia, 2004), obra ni Lav Diaz, ay isang masusing obserbasyon sa pagbagsak at pagbangon ng pamilya ng mga magsasakang sumasalamin sa kahirapang nanunuot sa lipunan kaalinsabay ng mga kaganapan sa bansang Pilipinas mula taong 1971 hanggang 1987. Sa humigit kumulang na sampung oras, ay naging saksi ang mga manonood sa pagyabong ng katauhan ni Raynaldo (Elyan De Vera), ang pangunahing tauhan ng kuwento. Ipinakilala tayo ng pelikula kay Puring (Angie Ferro) mula sa mapag-anyayang tanawin ng mga bukirin nang dekada '70 abot sa mabangis na mga lansangan ng lungsod sa rehimeng Marcos hanggang sa tuluyang paglayas ng mga ito sa kalagitnaan ng dekada '80. Nagsimula ang lahat sa di pagkakaunawaan sa gitna ng ilang mga miyembro ng pamilyang kinasangkutan ni Hilda (Marife Neceisito), ang baliw na ina ni Raynaldo, hindi nito mapapangatawanan ang pagpapalaki sa anak. Sinisisi ni Puring si Hilda sa pagkamatay ng kanyang asawa at sa pagdadala ng kamalasan sa pamilya. Sa unang dalawang oras ng pelikula ay ating nasaksihan ang mga suliraning nakabalot sa pamilya. Nariyan ang pagpilit ni Kadyo (Pen Medina), ang tiyuhin ni Raynaldo na mamasukan sila sa minahan ng ginto dahil sa patuloy na pagbagsak ng pinagkakakitaang bukirin. Kasama din ang pagtanggi ni Kadyo na sumama sa grupo ng mga rebeldeng nag-aalsa laban sa pamahalaan. Lumaking pipi si Raynaldo at pinagdesisyunang ipasok ni Puring ang apong si Anna (Sigrid Bernardo) na manilbihan bilang katulong sa isang mayamang pamilya. Unti-unting sumidhi ang pagnanasa ni Kadyo na maghukay ng ginto hanggang sa makulong ito sa salang pagnanakaw. Ang huling bahagi ng pelikula ay umikot sa paghahanap ng kanyang pamilya kay Raynaldo at sa pakikipagsapalaran ni Kadyo sa siyudad. Sa bawat pagbalangkas ng mga insidenteng pinagdaanan ng mga tauhan ay sinundan sa pamamaraang dokyumentaryo. Dito ay pinagbigkis ang mga pangyayaring pulitikal sa bansa at ang masalimuot na karanasan ng mga tauhan.

Maaring kuwestiyunin ang kahabaan ng Ebolusyon at maaring ikumpara ito sa isang teleserye, ang pagpapakita ng halos isang oras ng mga tagpong salat sa dayalogo at mga eksenang ipinapakita ang mga tauhan na nagsasaka o di kaya'y naglilibot sa kagubatan. Ang walang patumanggang pagsunod ng kamera sa walang humpay na paglalakad sa palibot ng siyudad. Mahalaga ang mga tagpong ito sa pagbasa natin sa kanilang mga damdamin at suliranin. Epektibo din ang eksena kung saan pinapanood ni Kadyo sa telebisyon ang isang panayam kay direktor Lino Brocka, isang militanteng taga-industriya na tahasang lumaban sa diktaturya. Higit nitong napagyaman ang pumapaimbulog na kahirapang tinatamasa ng mga tauhan sa pelikula. Dahilan sa halos nalunod ng impresibong naratibo ng pelikula ang karamihan sa pagganap, at dahilan sa ang kanyang karakter ang dumanas ng masidhing mga karanasan, natatangi ang pagganap na ipinamalas ni Pen Medina bilang Kadyo. Masasaksihan ito sa mga eksena sa siyudad na diretsong tumakbo ng mahigit dalawampung minuto sa kabuuan ng pelikula. Tinutukan ito ng husto kung kaya't nangibabaw siya ng husto kumpara sa ibang tauhan ng Ebolusyon. Kapuri-puri din ang talino ni Angie Ferro sa papel ni Puring. Di malilimutan ang tagpo kung saan isa-isa nitong tinitingnan ang mga larawan ng kanyang pamilya. Subalit ang lahat ng papuri ay nararapat ibahagi sa direktor ng pelikulang si Lav Diaz. Sa Eboulsyon mababanaag ang kanyang henyo sa paglikha ng maipagmamalaking obra, sa paggamit ng modernong pamamaraan sa pagsasalaysay tulad halimbawa nang ipakita ang pakikinig ng pamilya sa isang dramang panradyo at ang pagsasanib ng mga tagpo sa loob mismo ng istasyon kung saan isinasadula ang palatuntunan. Ipinakita ng Ebolusyon ang pagharap ng mga mamamayan sa paghihirap ng lipunan taliwas sa melodramatikong pamamaraan ngunit hitik sa emosyong kailanma'y hindi matatagpuan sa mga naglipanang teleseryeng namamayagpag sa telebisyong Pilipino.

Panulat, Editing at Direksiyon: Lav Diaz
Sinematograpiya: Bahaghari, Paul Tanedo at Larry Miranda (Black & White, DV)
Disenyong Pamproduksiyon: Rishab Tibon, Jun Sabayton at Patty Eustaquio
Prodyuser: Sine Olivia

Wednesday, July 05, 2006

Kung NASAAN KA MAN...

Ang Nassan Ka Man (Star Cinema, 2005) ay kuwento ng isang masayang pamilya. Ang magkapatid na dalagang sina Lydia (Gloria Diaz) at Trining (Hilda Koronel) kasama ang kanilang tatlong ampon na sina Ito (Diether Ocampo), Pilar (Claudine Baretto) at Joven (Jericho Rosales). Nagsimulang mawasak ang samahang ito nang ipaalam ang planong pagpapakasal nina Pilar at Joven. Bagama't sa una ay tutol, pumayag na rin ang ina-inahan nilang si Lydia subalit si Ito ay may natatagong pagtingin kay Pilar at naghimagsik. Pinagsamantalahan nito si Pilar at itinulak sa bangin si Joven. Dahil sa takot, at pag-aakalang patay na si Joven at sa pagtatanggol ng sarili, itinulak ni Pilar sa bangin si Ito. Walang nagsumbong sa may kapangyarihan ukol sa mga naganap na trahedya.

Maayos kapwa ang teknikal at artistikong aspeto ng pelikula. Nangingibabaw ang malikhaing sinematograpiya at disenyong pamproduksiyon. Maganda ang tema ng pelikula at maayos itong naisalaysay. Mahusay rin ang pagkakaganap nina Hilda Koronel, Gloria Diaz at Claudine Baretto, bagama't sa limang artista, si Diaz lamang ang tila nahihirapang umiyak sa harap ng kamera. Dibdiban naman ang pag-arteng ipinamalas nina Jericho Rosales at Diether Ocampo. Makatawag pansin din ang pagkakalapat ng musika.

Apat na usapin ang maaaring ipasok dito. Una, ang isang mali ay hindi dapat itago at isiping maglalaho na lamang ang epekto nito sa pagtakbo ng panahon. Sa pag-ikot ng kuwento, ang mga kamalian ay hindi lamang itinago sa may kapangyarihan kundi hindi rin sinikap na ituwid at ihingi ng kapatawaran. Ang tamang pananaw ay umiikot sa kakayahan ng isang taong magpakumbaba sa pagsisisi o kaya'y magpatawad sa pagnanais na lumagay sa tuwid at tama. Ikalawa, ang pag-ampon at pagpapalaki ng isang batang hindi mo kadugo ay dapat nakaugat sa tunay pagbibigay at pagmamahal, hindi upang punuan ang kakulangan sa pagkatao ng nag-aampon. Ikatlo, ang mga hinanakit ay hindi dapat kinikimkim sa kalooban ng isang tao, pagka't matutuklasan din ito sa paraang higit na makasasakit sa sarili at kapwa. Ikaapat, ang kapanatagan ng loob ay makakamtam sa pagtanggap sa kagustuhan ng may lalang at pagsuko ng hiram na buhay dito.

Direksiyon: Cholo Laurel

Dulang Pampelikula: Ricardo Lee at Rafael Hidalgo

Sinematograpiya: Charlie Peralta

Musika: Jessie Lasaten

Editing: Marya Ignacio

Disenyong Pamproduksiyon: Jon Cuyson

Prodyuser: Star Cinema

Tuesday, July 04, 2006

And They Lived HAPPILY EVER AFTER

Ang Happily Ever After (MAQ Productions Inc., 2005) ni Maryo J. de los Reyes ay tatlong kuwento ng iba't-ibang uri ng pag-ibig. Nagawa na ng direktor ang ganitong klaseng panoorin sa mga pelikulang Mga Kuwento Ni Lola Basyang (1985) at Stupid Cupid (1987). Sa Multong Bakla, nag-iibigan ang balikbayang si Abby (Nadine Samonte) at ang jologs na si Ogie (Tyron Perez). Dahil kapwa tutol ang mga magulang ng dalawa sa kanilang rpag-iibigan, napilitan silang magkita sa isang abandonadong bahay na pinamamahayan ng multong si Pampee (Keempee de Leon) at ang kanyang batang alagang si Leeboy (Nash Aguas). Hindi alam nina Pampy na sila ay patay na. Hinahanap nito ang kasintahang si Martin kaya't patuloy siyang nagpapakita sa mga binatilyong may pagkakahawig dito. Tinulungan naman nina Ogie na maunawaan ni Pampy na sila ay sumakabilang buhay na upang makaalis ang kanilang kaluluwa sa lupa. Sa Playboy Kuba, isang mapaglarong binatilyo si Vince (John Pratts) na napilitang magtago sa probinsya dahil sa banta ng mga magulang ng mga kasintahang kanyang niloko. Nakilala niya si Laura (Maxene Magalona), isang dalagitang naglayas dahil pinipilt ng ina na magpakasal kay Eugene (Dion Ignacio). Nahulog ang loob ni Laura kay Vince subalit hindi naman pala sya mahal nito. Dahil sinaktan ang kanyang anak, kinulam ng ina ni Laura si Vince at ginawa itong pangit at kuba. Muling nagtagpo ang landas ng dalawa at nagkahulugan ng loob. Sa I Love You Babe, mortal na magka-away ang mga magulang nina Jenny (Yasmien Kurdi) at Gio (Rainer Castillo) at kapwa rin sila nasa isang hindi masayang relasyon. Lihim na may pagtingin si Gio kay Jenny at ang tulad naman ng romantiko at malambing na si Gio ang hinahanap ni Jenny. Sa ilang ulit na kanilang pagtatagpo, lagi silang nagbabangayan subalit ito ay lalo lamang nakapagpalapit sa kanilang mga kalooban.

Lubhang gasgas ang mga balangkas ng maiikling kwento at madaling hulaan ang katapusan nito sa mga unang eksena pa lamang. Wala ring lalim ang pagganap ng lahat ng mga tauhan, animo'y mistulang laro lamang sa mga ito ang pag-arte. Kulang sa pagkamalikhain ang teknikal sa aspeto tulad ng sinematograpiya, ilaw, editing at walang kuwenta ang mga artistikong aspeto tulad ng musika at dayalogo. Samantalang pasado lamang ang disenyong pamproduksiyon nito. Malinaw na ginawang tanghalan lamang ang pelikula ng mga sikat na love teams.

Sa kabuuan, tila isang pampakilig na palabas lamang ang pelikula ngunit kung susuriin mo ang ilang isyung tinalakay, bagama't pahapyaw, makikita ang ilang taliwas na ideya. Una, Sa Multong Bakla, kahit na hindi sinang-ayunan ang homosekwalidad, hindi rin mainam na ipakita sila bilang mga taong hindi nirerespeto. Sa Playboy Kuba naman, hindi tanggap ng ating paniniwala ang pangungulam na lubhang nakasasakit at nagpapababa ng dignidad bilang parusa o paghihiganti o pagtuturo ng leksiyon. Mukha rin napakababa ng pagtingin ng manunulat at direktor sa matrimonyo ng kasal. Ito ba ay isang paraan lamang upang ilagay sa ayos ang buhay ng anak at hindi isang pagbabasbas sa dalawang taong tunay na nag-iibigan? Sa I Love You Babe, hindi nagbigay ng paninindigan ang mga manlilikha laban sa pagtataksil, pang-aabuso sa kabaitan ng kasintahan at ang pag-video tape sa pakikipaghalikan sa iba't-ibang lalaki. Lalo't mga kabataan ang mga tauhan ng istorya at ginawa itong isang komedya, madaling pikitan ng mga manonod ang mga taliwas na konsepto ng pelikula.

Direksiyon: Maryo J. de los Reyes

Dulang Pampelikula: Galo Ador, John Roque at Aloy Adlawan

Sinematograpiya: Oddysey Flores

Musika: Vincent de Jesus, Lutgardo Labad at Dodjie Fernandez

Editing: Vito Cajili

Disenyong Pamproduksion: Gerry Pascual at Chris Ecker de Guzman

Prodyuser: MAQ Productions, Inc.

Monday, July 03, 2006

Teka... AKO LEGAL WIFE!

Maganda si Chona Chiong (Zsa Zsa Padilla) bagama't nagiging kunsumida na ang itsura nito dahil sa pagkarindi sa pambababae ng asawang si Elton Chiong (Jay Manalo). Hindi pa magkasya sa iisang asawa si Elton, kumuha pa ng kabit, si Patty (Cherie Pie Picache), kung saan nagkaanak ito. Hindi itinatago ni Elton ang kanyang dalawang pamilya. Nang maging mga teenagers na ang mga anak nila, ay naging mga magkakampi pa ang mga ito nang kumuha pa ng pangatlong asawa ang palikerong Elton, si Gloria (Ruffa Mae Quinto), bata, seksi at sariwa. Ang dating magka-away na mortal na si Chona at Patty ay nagkuntsaba para tumbagin ang bagong kontrabida.

Komedya diumano ang Ako Legal Wife (Regal Entertainment, 2005), pagkat ang kuwento ay binibigyang kulay ng mga nakakatawang pangyayari kapag ang ama ng tahanan ay maraming itinatagong kalokohan. Ngunit nakakatawa nga ba ito bilang komedya? Marahil minsan, kadalasa'y hindi. Sinikap ng mga pangunahing bituin na maging tapat sa pagganap, at gawing dibdibiban ang pagpapatawa, ngunit sa halip na maging nakakatawa ang pelikula, ay naging katawa-tawa ito. Iyan ang problema kapag kulang ang pagsasanay sa hindi mo sariling wika. Halimbawa, inconsistent ang tono ni Zas Zsa Padilla bilang isang intsik, minsa'y kapanipaniwala, ngunit halatang gawa-gawa lamang ang tunog-intsik niya. Ganoon din ang ibang artistang kinakailangang magsalita sa wikang intsik sa pelikula.

Maraming dapat itanong tungkol sa pelikula. Ano kaya ang gustong palabasing mensahe ng Ako Legal Wife? Na sa kultura ng mga intsik ay tanggap lang ang magkaroon ng ilang kabit ang lalaki, basta nasusustentuhan nito ang lahat? Na hindi kailangang mag-away-away ang kanyang mga anak sapagkat naroon na iyon, at nararapat na lang tanggapin? Ano ang magiging buhay-may asawa ng mga kabataang ito pagdating ng panahon? Tutulad ba ang mga lalaki bagama't ang isa'y bakla sa ama nilang ang tanging ambisyon sa buhay ay kumita nang kumita upang matustusan ang kanyang bisyong hilig sa babae? Ang mga babae ba nama'y walang aatupagin kundi ang magpaganda at magpabata upang makuhang muli ang naglahong atensyon ng asawa? Ipinakikita ng pelikula na walang masama sa ganoong lifestyle, bagkus ay dapat pang ipagmalaki ng lalaki, halimbawa, ang kanyang kakayahang panagutan ang kanyang hilig. Hindi mabuting mahirati ang ating mga kabataan sa ganoong paniniwala.

Direksiyon: Joel C. Lamangan

Dulang Pampelikula: Roy C. Iglesias

Sinematograpiya: Rolly Manuel

Musika: Vincent de Jesus

Editing: Marya Ignacio

Disenyong Pamproduksiyon: Edgar Martin Littaua

Prodyuser: Regal Entertainment

Sunday, July 02, 2006

Siya Ba Ang Iyong DREAMBOY?

Simpleng despatsadora si Cyd (Bea Alonzo) sa isang malaking supermarket. Dalawampu't tatlong taong gulang na siya ngunit hindi pa siya nagkakaroon ng boyfriend. Nagkakasya na lamang siya sa pagbabasa ng mga romantikong nobela at iniisip na sana ay makatagpo rin siya ng lalking tulad sa kanyang mga nababasa. Sa pagiging kontento sa simpleng buhay, bigla niyang nakilala ang anak ng may-ari ng supermarket kung saan ito namamasukan, si Philip (Piolo Pascual). Naging mabilis ang mga pangyayari sa kanilang dalawa, agarang niligawan ni Philip si Cyd sa pamamagitan ng magagarbong paraan. Ngunit bigla na lang itong naglaho nang tanggihan ni Cyd ang alok niyang pag-ibig. Nanghinayang si Cyd sa pagkawala ni Philip ngunit wala naman siyang magawa pagkat hindi niya alam kung paano ito hahanapin. Nakilala naman ni Cyd si Ebong (Piolo Pascual) na kamukhang-kamukha ni Philip. Iba si Ebong kay Philip. Mahilig ito sa outdoor sports at hindi masyadong malambing. Muling nabighani si Cyd ngunit nang ipagtatapat na niya sanang mahal niya si Ebong, may lumapit naman sa kanya at nagpakilalang dating kasintahan ni Ebong at binalaan niya itong wag mahulog sa bitag ni Ebong. Iniwan ni Cyd si Ebong nang malaman niya ito. Muli ay may nakilala si Cyd na kamukhang-kamukha nina Philip at Ebong, si Jaime (Piolo Pascual). Ngunit di hamak na mas payak ang isang ito kaysa sa dalawang lalaking nauna. Mai-in-love na sanang tuluyan si Cyd nang nalaman niya ang itinatagong lihim nina Philip, Ebong at Jaime.

Hindi isang ordinaryong love story ang Dreamboy (Star Cinema, 2005). Naiiba ang trato nito sa kuwentong pag-ibig na hinaluan ng makabagong konsepto ng reality TV. Ngunit ang kaibahan ding ito ang pawang naging kahinaan ng pelikula. Hindi tuloy masyadong nagalugad ang mga posibilidad ng kanyang genre dahil naipit ito ng sariling konsepto. Hindi nakaka-kilig ang tambalang Piolo Pascual at Bea Alonzo. Wala silang tinatawag na chemistry bilang magkapareha. Masyadong maraming elemento ang pinagbuhusan ng pansin ng pelikula tulad pag-iilaw at sinematograpiya at nakaligtaan ang pinaka-importante, ang kuwentong dapat sana ay magpapakilig sa manonood. Sa kabila ng lahat, kahanga-hanga pa rin ang Dreamboy sa katapangan nitong ibahin ang konsepto ng love stories.

Hindi rin naging maganda ang unang mensahe ng pelikula kung saan ay pinaglaruan nito ang damdamin ng mga bida pati ang damdamin ng mga manonood. Hindi gawang biro ang magmahal kung kaya't hindi ito dapat ginagawang biru-biro lamang. Lalo't higit, hindi ito dapat gawing pagkakakitaan ng may ibang taong nasasaktan at natatapakan. Ang pakikialam din ng media sa personal na buhay ng tao ay hindi rin akma. Ipinakita rin sa pelikula na ang pangarap ay taliwas sa tunay na buhay. Ngunit pawang hindi maliwanag kung ano ba ang nais sabihin nito. Maari bang mangyari sa tunay na buhay ang fairy tales at mga kuwento sa pelikula? Magkahalo pa rin ang mensahe ukol dito. Masyadong pilit ang konsepto ng pagmamahal sa pelikula. Hindi naipakita nito kung paanong natututong magmahalan ang dalawang puso. Masyadong mabilis ang mga pangyayari sa at aakalain ng mga manonood na ang lahat sa pag-ibig ay ganoon lamang kadali at kababaw. Ngunit sa kabila ng lahat, sinasabi pa rin ng pelikula na hindi pa rin tayo dapat bumitaw sa paniniwala sa kapangyarihan ng pag-ibig, makailang beses man tayong magtiwala at masaktan.

Direksiyon: Gilbert Perez

Dulang Pampelikula: Maria Katrina Flores

Sinematograpiya: Ramoncito Redoble

Musika: Jesse Lucas

Editing: Vito Cajili

Disenyong Pamproduksiyon: Raymond Bajarias

Prodyuser: Star Cinema

Saturday, July 01, 2006

Tikman Ang AMERICAN ADOBO


"Lutong New York, Lasang Pinoy."

Akmang-akma ang islogang ito para sa American Adobo (ABS-CBN Entertainment/Unitel Pictures, 2001), isang pelikula tungkol sa limang magkakaibigang Pinoy na naninirahan sa Nuweba York, sa Amerika. Iba't iba ang ugali at pananaw nila, pero gaya ng mga sangkap ng adobo, kapag pinaghalo-halo na, ay may lulutang nang iisang lasa: adobo. Ang iisang lasa sa buhay ng limang magkakaibigan ay pangungulila. Loneliness sa wikang inggles. Ang pangungulilang ito ay siyang nagtutulak sa bawat isa sa kanila upang bigyang-kabuluhan ang kani-kanyang buhay sa pamamagitan ng trabaho, pag-ibig, at panalangin.

Magaling ang pagdidirihe ni Laurice Guillen, kaya't lumabas na makatotohanan ang American Adobo. Sinamahan pa ng mahusay na dulang pampelikula ni Vincent Nebrida, epektibong character-development, at mahusay na pagganap nina Christopher de Leon, Cherry Pie Picache, Dina Bonnevie, Ricky Davao at Paolo Montalban, kaya higit na naging kapani-paniwala ang istorya. Maingat din ang pagkakapili ng lokasyon pansinin mo ang mga tinirahan ng mga ito, may woodcarving na tinikling dancers sa dingding katabi ng mga abstract paintings, may wall hanging na mga pamaypay malamang, kapis sa isang sulok, at mga mumurahing santong dinadasalan naman sa kabilang sulok. Ang sinumang nakadalaw na sa maraming tirahan ng mga Pinoy sa Amerika ay makapagpapatunay na ganito nga ang itsura ng tipikal na tirahan, ang panglabas ay 'Kano, ang pangloob ay kaaya-ayang Pinoy.

Ganito rin ang pagkatao ng mga Pinoy sa kuwento gawa ng impluwensiya ng kultura sa bayang tinitirhan, asta at asal-Kano na, pero tulad ng kulay ng balat nila, hindi mabubura ang tunay na dahilan ng kanilang pagiging mga hilaw na Amerikano. Ang kakulangan ng tunay na pananalig sa sariling halaga bilang mga tao, bilang mga Pilipino. Di ba't karaniwan ito sa ating mga Pilipino, na kailangang manggaya para lumigaya? Hindi pa masiyahan sa buhay-Pinas, inaambisyong mag-Amerika. Siyempre, higit daw na luntian ang damo at dolyar sa kabilang bakuran. Pagtuntong sa Amerika, bayan ng malaya, nais na ring makalaya sa pinanggalingang lahi, wika, asal at relihiyon. Lingid sa kaalaman ng mga tauhan sa American Adobo, ang kanilang pagsasama bilang mga magkakaibigan ay isang kagawiang Pilipino na siyang nagliligtas sa kanila sa tuluyang pagkakasira ng kanilang pag-asa. Ang pakikisama ay tulad ng pagkaing Pinoy na hinahanap-hanap at pinagsasaluhan nila, pansit, dinuguan, sinigang, adobo. Pinoy na Pinoy. Maaaring alisin mo ang Pilipino sa Pilipinas, ngunit hindi mo maaalis ang Pilipinas sa Pilipino.

Direksiyon: Laurice Guillen

Dulang Pampelikula: Vincent Nebrida

Sinematograpiya: Lee Meily

Musika: Nonong Buencamino

Editing: Efren Jarlego

Disenyong Pamproduksiyon: Fiel Zabat

Prodyuser: ABS-CBN Entertainment at Unitel Pictures