Sa simula pa lamang ng pelikula ay makahulugan na ang ginamit na puting pamagat sa itim na pondo at hinaluan ng mga nagliliparang alipato (apoy na nililipad ng hangin mula sa nasusunog na bagay). Inihahanda nito ang kalooban ng mga manonood sa susunod na mga pangyayari. Kadalasang sa gabi nagaganap ang mga tagpo. Malimit gamitin ang Ilonggong awit na Ili-Ili Tulog Anay at maging ang mga kampana sa simbahan ay himig din nito ang tunog. May mga bahagi sa kuwento ng White Lady na hindi malinaw at kapani-paniwala, maging ang pagsasalarawan sa mga tauhan.. Mabait ba o masama si Christina? Matino ba o sira ang ulo ni Lola Tasya (Boots Anson Roa)? Mahinahon ba o mapusok si Pearl? Lubos bang napakasama ni Mimi at lubhang napakahina ang loob ng lahat ng kanyang kabarkada? Kung minsan ay parang naglalaro lang ng takutan ang mga nagsiganap. Kahit na nga ang make-up ng White Lady ay animong ipinipinta lamang ng mga nagsisipunta sa halloween party. Napakarami rin ng mga eksenang nagpapakita ng karahasan.
Ipinahiwatig sa White Lady na may mga kaibigang nagtataguyod sa mabuti at meron din namang nagbubulid sa masama. Kung kaya't kinakailangang maging maingat sa pagpili ng mga kaibigan o barkada nang hindi mapahamak. May pakikisamang nauuwi sa pakikipagsabwatan. Kahit mali ay sunod-sunuran, huwag lamang matiwalag sa samahan. Isa pang mensahe ng pelikula ay ukol sa pakikipag-relasyon na kadalasa'y hindi lamang nakakaabala sa pag-aaral kundi mapanganib din. Bukod sa hindi pa handa sa pananagutan ang mga nasa-kolehiyo pa lamang ay mahirap makilala ang tunay na pagkatao ng karelasyon sa maikling panahon.. Tinalakay din sa pelikula kung bakit nagbabalik ang kaluluwa ng yumao. Humihingi ng katarungan si Christina sa kalupitan ng barkada na nagpahamak sa kanya. Ang mensaheng sa paghihiganti lamang matatahimik ang kaluluwa ng yumao na dapat ipaghiganti ang karahasang dinanas nito ay ginamit na sa ibang mga pelikulang tumalakay sa halintulad na tema. Nasaksihan ng mga estudyante at guro nang basbasan ng pari ang bodegang pinangyarihan ng krimen at inasahan ng lahat na mamamayapa at lilisan na ang kaluluwa ng yumao. Sa halip ay tila nagwagi pa ang kasamaan dahilansa galit at poot ang nanaig sa White Lady at ipinahiwatig na nararapat lamang na buhay ang kapalit ng buhay. Walang pagsisising nakita sa mga nagkasala at walang pagpapatawad na iginawad ang biktima. Sa ganitong paraan lamang muling matatahimik ang White Lady.
Direksiyon: Jeff Tan
Dulang Pampelikula: Don Michael Perez at Joel Rufino A. Nunez
Sinematograpiya: Tim Jimenez
Musika: Von de Guzman
Edting: Jay Halili at Minea Alvarez
Disenyong Pamproduksiyon: Edgar Martin Littaua
Prodyuser: Regal Entertainment

