CLICK HERE FOR THOUSANDS OF FREE BLOGGER TEMPLATES »

Monday, October 29, 2007

Isang Kuwento Ng Pag-Ibig



Kinukunsumo ng naipong hinanakit si Ian Montes (Aga Muhlach) sa kanyang ama (Dante Rivero), kaya’t pinagdesiyunan nitong magtayo ng sariling negosyo kaysa makisakay sa kabuhayan at yaman ng kanilang pamilya. Ang kinikimkim nitong sama ng loob ang pangunahing dahilang nagtulak ditong saktan ang kanyang mga mahal sa buhay. May dalawang babae sa buhay ni Ian. Si Joanna Villanueva (Maricel Soriano), isang gynecologist na hiwalay sa asawang si Peter (Mark Gil) na kanyang nakilala nang ito ay maaksidente sa Batangas at si Karyn Torres (Angelica Panganiban) isang flight attendant na kanyang nakadaupang-palad nang una siyang magpunta sa Macau. Ang isa ay kanyang asawa na pinangakuan niyang pakisamahan habang buhay at kerida naman ang isang labis niyang minamahal. Hanggang sa dumating ang sandaling kailangan niyang mamili at manatiling tapat sa kanyang sinumpaang pangakong kasabay ng pagpapatawad sa pagkakamali ng kanyang ama at pag-amin sa kanyang sariling mga pagkukulang.

Natatangi ang pagsasalamin ng A Love Story (Star Cinema/ABS-CBN Film Productions, Inc., 2007) sa naiibang kuwento ng tatsulok na pag-ibig. Malalim at may kalawakang naisalarawan ni Maryo J. delos Reyes ang milyu ng kanyang pelikula. Sinuri nito ang mga hinaing at kaprisyo ng mga taong umiibig at nakaugat sa mga imahen ng pangungulila at lumbay ng pagkakawalay at pakikipaghiwalay. Isinaalang-alang ng pelikula ang kahalagahang pamproduksiyon at nagkaroon ito ng iba't-ibang pagturing, paggunita, paggamit at saysay. Ipinagdiinan rin ang makinang na pagsasadulang plantsado, pulido, walang gusot, buong kinis at sadyang makintab na paglalahad ng karangyaan at magarbong pamumuhay mga tauhan. Ang makabagbag-kaluluwang paglalantad ni Maricel Soriano ng saloobin ay isang kapani-paniwalang pagganap at pagtatapat. Samantala, ang pagganap ni Aga Muhlach bilang Ian na nagpapahayag ng mithiin sa lahat ng di magkatugmang aspeto nito ay nagbibigay naiibang sigla sa tradisyon ng pagganap sa pelikula. Sa gayon, mahirap unawain ang tumatagaktak na luha ni Angelica Panganiban. Minsan, matalino at malawak ang pang-unawa ng asawa, minsan makitid at makasarili ang kanyang nasa. Hindi konsistent ang karakter ng flight attendant kung saan higit nitong pinagbubuhusan ng panahon ang kanyang hanapbuhay at mga kaibigan kaysa sa mga pangangailangan ng sariling asawa. Samakatuwid, may internal na tensiyon si Karyn ngunit hindi ito naitampok sa antas ng kontradiksiyon. Sa halip, hinayaang lumutang-lutang ang tensiyon sa dagat ng luhang hindi nagkaroon ng matalinong resolusyon.

Direksiyon: Maryo J. delos Reyes

Dulang Pampelikula: Vanessa R. Valdez

Sinematograpiya: Gary L. Gardoce

Musika: Jesse Lucas

Editing: Tara Illenberger

Disenyong Pamproduksiyon: Gerry Santos

Prodyuser: Star Cinema At ABS-CBN Film Productions, Inc.

5 comments:

Ariel said...

Hi Jojo,

Thanks for a good review.

Nagustuhan ko ang pelikula dahil sa 'tahimik' na atake ni Maryo de los Reyes sa istorya ng tatsulok na pag-ibig. Mahusay si Maricel dito ganun din si Aga. (Maganda ang chemistry nila kesa kina Aga at Sharon) Nakakatuwang isipin at makita ang paglago nila bilang mga aktor. Si Angelica is promising and I agree with you na her character is not well-written and it is not her fault. Minsan, iniisip ko na baka dahil nais ng produser na maging 'sorpresa' ang papel niya kaya nawalan ito ng direksyon. Sayang kasi kung naexplore lang ang kanyang inner conflict, the outcome can be at par with the 2 leads. Nagustuhan ko rin si Dante Rivero dahil sa effortless niyang pagganap.

Sa kabuuan, masasabi kong naachieve ng pelikula ang mithiin nitong mag-entertain. Malinis ang production design, hindi overly dramatic ang music and focused naman ang cinematography. Simple ang story telling at nakatulong ang malaViva Films na venues for me to be glued sa screen.

Jojo Devera said...

Hello Nino!

Una, maraming salamat sa padala mo, hindi ako nabigo sa pelikula tulad ng naisulat ko na maliban sa pagganap ni Angelica which was so distracting. Ang feeling ko mas binigyang pansin ng direktor and dalawang pangunahing bituin ng A Love Story. Siguro kahit di natin alam ang twist ng istorya, madali rin itong malalaman dahil may mga dialogue si Angelica during the confrontation scene na magbibigay ng ideya na siya ang asawa. Mahusay si Maricel dito at least nabawasan ang hysterical gestures niya but I much prefer her luminous performance in Inang Yaya while Aga just gets better in each time. Nasayang lang siya sa mga pelikulang tulad ng Dubai. He should continue working with a filmmaker who knows how to explore his immense acting talent.

As for the VIVA look, nami-miss mo lang siguro ang mga komiks based melodramas na hindi na nila ginagawa ngayon. I think mas glossy pa rin ang mga VIVA movies in the 80's.

Ariel said...

Walang anuman, Jojo.

I agree dun sa opinyon mo about Maricel. I also like her portrayal sa Inang Yaya. Too bad at napasabay siya sa kompetisyon with the amazing Gina Pareno sa Kubrador. Kung hindi, baka, dito na siya tuluyang napansin. Si Aga naman, ganun din. Kung mahusay ang kanyang direktor, mahusay din ang kinalalabasan ng kanyang pagganap.

Yes, I miss the 80's kaya siguro hinahanap ko siya sa mag pelikulang napapanood ko. I was watching Campus Beat kanina and was in hysterics sa katatawa. Aga doing Michael Jackson. Love love the 80's

Jojo Devera said...

Gustung-gusto ko si Maricel sa Inang Yaya at tulad ng nabanggit mo, naungusan siya ng husay ni Gina Pareno sa Kubrador. Nangyari na rin ito sa kanya noong 1985 na sa aking palagay dapat siya ang nanalo sa URIAN para sa Hinugot Sa Langit ngunit higit na binigyang pansin si Nida Blanca sa Miguelito na kung iisipin ay supporting role lamang. lubhang naging mailap ang award sa kanya sa pagkakataong ito.

Miss ko rin ang 80's kaya nga I've been desperately relieving those times with Sari-Saring Sineng Pinoy.

Richard the Adventurer said...

Hello Jojo! Napanood ko na po ito for almost 5 times na. Talagang kakaiba ang attack nito sa mga miviegoers kasi kakaibang love story ito.

I am not that so fanatic on Maricel Soriano pero talaga... Superb ang acting niya dito. Syempre hindi pahuhuli si AGa at sa pagganap ni Ms. Angelica Panganiban na talagang nasurprise ako.