CLICK HERE FOR THOUSANDS OF FREE BLOGGER TEMPLATES »

Monday, April 30, 2007

Lihim SA ILALIM NG COGON



Bilang pagtanaw ng utang na loob sa gang lord na nagpiyansa upang makalaya sina Sam (Yul Servo) at Pepito (Raul Morit) ay pumayag ang mga itong magnakaw para kay Johnny B (Dido de la Paz). Hindi kriminal si Sam, isang dating marino na nakulong lamang sa pagiging bagansya, kung kaya't ayaw nitong magnakaw o pumatay ng tao bagama't pumayag itong magmaneho ng kotseng gagamitin sa pagnanakaw. Nang makuha ang salapi, tinangkang patayin ni Pepito si Sam, ngunit sa halip ay ang dating gun for hire na si Pepito ang napatay ni Sam. Napilitang tumakas si Sam hanggang umabot ito sa isang abandonadong mansiyon sa isang sukal na lugar na napapaligiran na ng kogon at talahib. Samantala, kumalat na ang balita tungkol sa nakawan, at sa pag-aakalang tinakasan siya ng mga napag-utusan, ipinahahanap na ni Johnny B at ng kanyang mga tauhan ang nawawalang Pepito at Sam. Sa pagtatago nito, nakita niya si Katia (Julia Clarete), isang misteryosang babaeng laging nag-iiwan ng pagkain sa isang lugar malapit sa makapal na kogonan. Sinundan ito ni Sam ang hanggang sa matuklasan nito ang tirahang nakukubli sa kogon sa likuran ng mansiyon. Nagkalapit ang loob ng dalawa at habang umiinit ang kanilang pag-uugnayan, natunton naman ng mga kampon ni Johnny B ang pinagtataguan ni Sam.

Maliwanag at malinis na naipahiwatig ang kasaysayan ng Sa Ilalim Ng Cogon (Duduy Plus Company/Modern Films, 2005) sa tulong ng malinaw na dayalogo at matinding galaw ng kamera. Sa panahon ng bitbiting kamera at maliliksing sinematograpiya, naging moda sa kontemporaryong paggawa ng pelikulang independiyente ang teknik ng cinema verite. Mabuti na lamang at hindi naakit na sumadlak sa ganitong tendensiya ang sinematograpiya ng Sa Ilalim Ng Cogon, bagamat gumamit ng ganitong estilo ang pelikula, sa katotohanan higit na naitanghal ng sinematograpiya ang panloob na reyalidad ni Sam. Sa mga krusyal na sandali, maging ang mga nasa isip lamang nito ay nagkaroon ng presensiya sa iskrin at ipinahiwatig sa pamamagitan ng isang kapani-paniwalang pagganap at pagtatapat. Ang makabagbag kaluluwang paglalantad ni Julia Clarete ng saloobin ay isang matingkad at pasukdol na pagsasalarawan ng babeng halos nawalan na ng pag-asa. Mahusay na nasubaybayan ng musika ang pananabik ng mga manonood sa bawat kaganapan sa pelikula. Hindi inaasahan ang kinahinatnan ng mga masasamang loob. Isinasaad ng Sa Ilalim Ng Cogon ang buhay ng mga taong wala nang tinatanaw na kinabukasan kundi ang maliliit nilang daigdig na hinubog ng lungkot at pighati.

Direksiyon: Rico Maria Ilarde

Dulang Pampelikula: Rico Maria Ilarde At Mammu Chua

Sinematograpiya: Louie Quirino

Musika: Malek Lopez

Editing: Ron Dale

Disenyong Pamproduksiyon: Fritz Silorio

Prodyuser: Duduy Plus At Modern Films

Friday, April 20, 2007

Hanggang Sa Muling PAGSASAYAW



Si Madam Loca (Cherry Pie Picache) ay matronang maraming kuneksyon sa politika at ilang masasamang elemento ng lipunan sa Twilight Dancers (Centerstage Productions, 2006). Wala siyang alinlangang gumamit ng dahas o seks upang makakuha ng pabor mula sa mga taong makapangyarihan. Tatlong macho dancer ang makakasalamuha nito. Si Bert na kanyang driver/bodyguard, si Dwight (Tyron Perez) na kasalukuyan niyang kalaguyo at si Alfred (Allen Dizon), ang matalik na kaibigan ni Dwight na nagbabagong buhay para sa kanyang mag-ina. Sa tagpi-tagping eksena ng pagsasayaw at pagpapagamit at iba pang mga macho dancers, mga pira- pirasong pangarap ng tatlong lalaking pinipilit nilang mabuo sa pamamagitan ng pagsasayaw sa mga gay bar, paghahantad ng katawan at pagbibigay panandaliang aliw sa mga bakla at matrona ay makikila ang tunay na ugali ni Madam Loca. Sa harap ng publiko isa siyang pilantropong tumutulong sa mga kabataan, ngunit sa katotohan ay mapanggamit siya at walang kinikilalang halaga kundi ang kapangyarihan, layaw ng laman at kanyang koleksiyon ng mga baril. Pagbibintangan nito si Bert na nagkanulo sa kanya at gagamitin ang gipit na sina Dwight at Alfred upang mapatay si Bert at mapawalang sala ang sarili.

Mapapansing hindi ginastusan, pinag-isipan o pinaghirapan ang pagbuo sa pelikula. Mayroon sanang nais ipunto ang kuwento at magbigay komentaryo sa kabalintunaan ng buhay ng mga naghuhubad na mananayaw pero nalulon lamang ang pelikula sa isang mababang pagpapakita ng kalaswaan ng mga lalaking mananayaw at callboy. Malabo ang paglalahad ng mga karakter. Halos walang laman ang naratibo at nakakagulo ang bigla at patalon-talon na pagkakadugtong ng eksena. Maliban kay Picache ay walang mababanaag kahit kaunting kahusayan ang mga nagsisiganap. Nakakabagabag din ang hindi pantay na pagkaka-ilaw at pagsagap ng tunog ng mga eksena na tila bang isang baguhang direktor lamang ang gumawa. Kadalasan, ginagamit ng mga taong dahilan ang kahirapan upang mabigyang katwiran na sila ay magpakababa at magkibit balikat sa mga maling gawain. Ayaw man nating husgahan ang mga taong napipilitang gamitin ang katawan at seks upang makatawid sa gutom at matustusan ang pamumuhay, alam nating maraming ibang paraan, higit na mahirap ito at kaunti ang kikitain. May kalabuan ang katayuan ng pelikula sa ganang isyu ng mga macho dancer sila ba ay dapat kaawaan o hangaan? Hindi rin maganda na halos walang mabuti o positibong tauhan sa pelikula.Tila walang pagsisisi o pagkabagabag ang mga tauhan sa kanilang pangangalakal ng katawan o masasamang kaugalian. Walang bagong ipinakita ang Twilight Dancers at sayang lamang ang panahong ginugol ng mga manonood sa pelikula.

Direksiyon: Mel Chionglo

Dulang Pampelikula: Ricardo Lee

Sinematograpiya: Nap Jamir II

Musika: Jerrold Tarog

Editing: Charliebebs Gohetia

Disenyong Pamproduksiyon: Edgar Martin Littaua

Prodyuser: Centerstage Productions