Kinukunsumo ng naipong hinanakit si Ian Montes (Aga Muhlach) sa kanyang ama (Dante Rivero), kaya’t pinagdesiyunan nitong magtayo ng sariling negosyo kaysa makisakay sa kabuhayan at yaman ng kanilang pamilya. Ang kinikimkim nitong sama ng loob ang pangunahing dahilang nagtulak ditong saktan ang kanyang mga mahal sa buhay. May dalawang babae sa buhay ni Ian. Si Joanna Villanueva (Maricel Soriano), isang gynecologist na hiwalay sa asawang si Peter (Mark Gil) na kanyang nakilala nang ito ay maaksidente sa Batangas at si Karyn Torres (Angelica Panganiban) isang flight attendant na kanyang nakadaupang-palad nang una siyang magpunta sa Macau. Ang isa ay kanyang asawa na pinangakuan niyang pakisamahan habang buhay at kerida naman ang isang labis niyang minamahal. Hanggang sa dumating ang sandaling kailangan niyang mamili at manatiling tapat sa kanyang sinumpaang pangakong kasabay ng pagpapatawad sa pagkakamali ng kanyang ama at pag-amin sa kanyang sariling mga pagkukulang.
Natatangi ang pagsasalamin ng A Love Story (Star Cinema/ABS-CBN Film Productions, Inc., 2007) sa naiibang kuwento ng tatsulok na pag-ibig. Malalim at may kalawakang naisalarawan ni Maryo J. delos Reyes ang milyu ng kanyang pelikula. Sinuri nito ang mga hinaing at kaprisyo ng mga taong umiibig at nakaugat sa mga imahen ng pangungulila at lumbay ng pagkakawalay at pakikipaghiwalay. Isinaalang-alang ng pelikula ang kahalagahang pamproduksiyon at nagkaroon ito ng iba't-ibang pagturing, paggunita, paggamit at saysay. Ipinagdiinan rin ang makinang na pagsasadulang plantsado, pulido, walang gusot, buong kinis at sadyang makintab na paglalahad ng karangyaan at magarbong pamumuhay mga tauhan. Ang makabagbag-kaluluwang paglalantad ni Maricel Soriano ng saloobin ay isang kapani-paniwalang pagganap at pagtatapat. Samantala, ang pagganap ni Aga Muhlach bilang Ian na nagpapahayag ng mithiin sa lahat ng di magkatugmang aspeto nito ay nagbibigay naiibang sigla sa tradisyon ng pagganap sa pelikula. Sa gayon, mahirap unawain ang tumatagaktak na luha ni Angelica Panganiban. Minsan, matalino at malawak ang pang-unawa ng asawa, minsan makitid at makasarili ang kanyang nasa. Hindi konsistent ang karakter ng flight attendant kung saan higit nitong pinagbubuhusan ng panahon ang kanyang hanapbuhay at mga kaibigan kaysa sa mga pangangailangan ng sariling asawa. Samakatuwid, may internal na tensiyon si Karyn ngunit hindi ito naitampok sa antas ng kontradiksiyon. Sa halip, hinayaang lumutang-lutang ang tensiyon sa dagat ng luhang hindi nagkaroon ng matalinong resolusyon.
Direksiyon: Maryo J. delos Reyes
Dulang Pampelikula: Vanessa R. Valdez
Sinematograpiya: Gary L. Gardoce
Musika: Jesse Lucas
Editing: Tara Illenberger
Disenyong Pamproduksiyon: Gerry Santos
Prodyuser: Star Cinema At ABS-CBN Film Productions, Inc.

