CLICK HERE FOR THOUSANDS OF FREE BLOGGER TEMPLATES »

Sunday, March 08, 2009

Ang Misteryo Ng Buhay At Pag-Ibig Ni PLONING


Isinalaysay ng pelikulang Ploning (Panoramanila Pictures Co., 2008) ang pagbabaybay ni Muo Sei (Boodge Fernandez) sa pulo ng Cuyo lulan ng isang bangka upang hanapin ang hindi mawari kung tao o bagay na kung tawagin lamang niya ay Ploning. Dahil ilegal ang sinasakyang bangka, mayroon lamang siyang isang buong araw upang hanapin ang Ploning sa pulo. Sa paghahanap, nito unti-unting lilinaw na ang tinutukoy niyang Ploning ay isang dalagang (Judy Ann Santos) kilala bilang matulungin at misteryosa. Si Ploning ay anak ng isang mayamang negosyanteng si Manong Susing (Tony Mabesa). Masugid rin nitong pinagsisilbihan ang nagluluksa sa kalungkutang si Intang (Gina PareƱo) na siya ring ina ng kasintahang si Tomas na matagal nawalay nang magtungo ito pa-Maynila. Sa gitna ng pagiging mabuting anak, kaibigan, kasintahan, ay naging pangalawang ina rin si Ploning sa batang si Digo (Cedric Amit), anak ng paralitikong si Juaning (Eugene Domingo). Labis ang kalungkutan ni Digo nang malamang may planong sumunod si Ploning kay Tomas. Nakatagpo ng bagong karamay at kakampi si Digo sa katauhan ni Celeste (Mylene Dizon), isang nars na diumano’y may nakilalang Tomas sa siyudad at ito ay raw ay taga-Cuyo. Si Celeste rin ang magiging susi ng lahat ng misteryo at lihim na itinatago ni Ploning. Upang ganap na maitampok ang karanasang personal ni Ploning, malikhaing nagamit ng pelikula ang estratehiya ng pagbabalik-larawan.

Isang napakahusay na pelikula ang Ploning at bihirang mapanood ang ganitong obra kumpara sa mga uri ng pelikulang ipinapalabas sa kasalukuyan. Ipinakita ng Ploning hindi lamang ang magagandang tanawin sa Cuyo, Palawan kundi pati na rin ang mayaman nitong kultura at dialekto. Mayabong ang diskurso ng naratibong umiikot sa masalimuot na buhay ng mga naninirahan sa pulo na tila nilimot na ng panahon. Pinatingkad ang simpleng produksiyon ng masinop na sinematograpiya at komposisyon ng mga eksena gayundin ang malinis na editing. Akmang-akma ang daloy ng emosyon at timpla ng bawat eksena. Nangingibabaw ang pagganap ni Judy Ann Santos sa papel ni Ploning. Mahusay niyang naisadula ang madalamhating larawan ng dalagang patuloy na naghihintay at umaasang muling makakapiling ang kasintahang matagal nang nawalay sa kanya. Bukod dito, yumayamang lalo ang pagganap kung babasahin ang buhay ni Ploning sa pelikula kaalinsabay ng buhay ni Judy Ann. Ang karanasan ng artista, na lantad din naman sa marami ay nagbubukas ng intertekstuwal na kaban ng kahulugan na lalong nagpapaigting ng pag-unawa kay Ploning ay higit na sisigla ang sining ni Judy Ann Santos. Maging ang lebel ng simbolismo ay epektibo sa paglalahad ng kuwento. Ipinakita sa pelikula ang iba’t-ibang pananaw at konsepto ng pagmamahal. Naninidigan si Ploning na ang nagmamahal ay nagtitiwala at nasasaktan. Samantalang naiiba ang pananaw ni Celeste. Para sa dito, ang nagmamahal ay hindi dapat masaktan. Maaring magkaiba ang kanilang pananaw ngunit isang bagay ang malinaw, ang buhay ng tao ay umiinog sa pagmamahal upang magkaroon ito ng kahulugan. Sa pamamagitan ni Ploning, ipinadama ng pelikula ang tunay na pagmamahal ay wagas, lubos at walang hinihintay na kapalit. Binuhay at nabigyang pag-asa sa Ploning ang sanga-sangang relasyon ng mga taong naninirahan sa pulo.

Direksiyon: Dante Nico Garcia

Dulang Pampelikula: Dante Nico Garcia At Benjamin Lingan

Sinematograpiya: Charlie Peralta

Musika: Jessie Lasaten

Editing: Danny Anonuevo

Disenyong Pamproduksiyon: Raymund George Fernandez

Prodyuser: Panoramanila Pictures Co.

0 comments: